“ahng aTing wicca ai tUnai nua maccapangyariHan at iTo’y tUnai na maLaia!!”
Sa bilis ng pagtakbo ng panahon ay walang tigil din ang mga pagbabagong nagaganap sa mga bagay-bagay dito sa mundo. Mga pagbabagong alam naman nating likas ngunit hindi maiwasang mapagtalunan ng ilan. At bilang isang indibidwal, ako’y tumitingin sa dalawang banda ng mga pagbabagong ito, sa kung ito ba’y ikabubuti o ikasasama ng nakararami.
Ating tignan sa aspeto ng Wika ang mga nagaganap na pagbabagong ito. Bilang isang nagpapakadalubhasa o kaya’y bilang isang isang ordinaryong tao na gumagamit nito, alam natin kung gaano ito kahalaga sa ating pamumuhay. Na ang ating wika ay ating tulay sa pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa kahit na kanino pa man, pagkat ito’y isang napakahalagang midyum na taglay ng isang tao upang mabuhay. Dahil sa pagbabagong nagaganap, ay hindi maitatangging ang ating wika ay naaapektuhan at sumasabay sa pagbabagong ito.
Kamakailan lamang ay naging malaking isyu ang pasulpot at paglaganap ng mga tinatawag na ”Jejemon”. Sila yaong hindi normal kung gamitin ang wika sa paraan ng pasulat at pasalita man. Sila yaong mga eksaherado sa pagbaybay ng mga salita na nagiging dahilan ng komplikasyon sa pagkakaunawaan. Ang mga Jejemon ay ang mga nagpasimula ng Jeje-text na kung saan sila’y mayroong sariling paraan ng paggamit ng wika sa pakikipag-text. Ang paggamit ng cellphone sa pakikipag-komunikasyon ay isa lamang halimbawa ng pagbabagong dala ng pag-lipas ng panahon, kaya’t maging ang simpleng paggamit natin ng mga salita ay tunay na naaapektuhan. At kung titignang pang mabuti, hindi lamang sa paggamit ng telepono ito nagaganap pati sa pakikipag-ugnayan sa computer, sa paraan ng pagsasalita, at maging sa kung papaanong manamit.
Dahil sa pag-sulpot ng mga Jejemon, lumitaw din ang mga tinatawag naming “Jejebusters” . Sila naman yaong mga hindi sang-ayon sa paglaganap ng mga Jejemon. Sila yaong lubusan ang pag-tutol sa kung paano nila ginagamit ang wika’t mga salita. Hindi nakatutuwa para sa kanila ang pag-daragdag o pagbabawas ng mga letra sa mga salita upang masabi lamang na sila’y naiiba.
Para sa mga Jejemon, ang kakaiba nilang paraan o sinasabing istilo ay kanilang daan upang maipakita ang kanilang sarili, ang kanilang orihinalidad at upang maging komportable sa lipunang kanilang kinabibilangan. Ngunit para sa mga Jejebusters, ang mga natatanging dahilan lamang ng mga Jejemon ay upang sila’y mapansin sa pamamagitan ng isang paraang hindi mabuti ang nagiging epekto sa nakararami.
Ang wika nga ay tunay na makapang yarihan. Bukod sa ito’y ating mahalagang instrumento sa pamumuhay, sa kaunting pagbabago lamang nito dala ng paglipas ng panahon ay malaking bahagi na ng tao ang naaapektuhan. At ang wika ay tunay na malaya. Dahilan ng ang bawat tao’y mayroong pagkakaiba-iba, ating aasahan na ang paraan natin ng paggamit ng wika ay may pagkakaiba din.
Ngunit gayun paman, nararapat lamang na ang mga pagbabagong ating gagawin ay alam natin na kung ito ba’y ikabubuti o ikasasama ng mas nakararami?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento