tatlong sanggol ang isinisilang sa Pilipinas kada minuto, 180 kada oras, 4320 kada araw,30240 kada lingo, 120960 buwan , ibig-sabihin 1451520 na ulo ang nadadagdag sa populasyon ng Pilipinas kada taon. (kwentahin mo pa)
isipin mo nalamang na pagkatapos mong magsipilyo tatlong bata na ang nadagdag sa populasyon, tapos magkakanaw ka ng kape tatlo nanaman. nagsipilyo ka lang at nagkape anim na agad na sanggol! Nakakaloka.
Kapag iniisip ko ang realidad na ito ay naaalarma ako, paano ba naman kase kung alam lang ng mga sanggol na iyan na ganito kagulong mundo ang dadatnan nila baka mas gustuhin pa nilang bumalik sa mga matres ng nanay nila. (kung pwede lang ganyan na ang ginawa ko nung sanggol palang ako)
Natatakot akong datnan ng mga susunod na henerasyon ang ganitong lipunan. Isang lipunang sagana sa kompetisyon at hindi pagkakasundo. Sanay na tayong naglalaban ang mga mayayaman at mahihirap, normal nalamang ang pagbubuno ng mga manggagawa at mga may-ari ng pabrika, kinalakhan na natin ang girian ng mga Muslim at Kristiano, umay na umay na rin sa pagsisiraan ng mga pulitiko. Sa madaling salita sanay na tayong laging may gulo.
Ako, bilang Pilipino ayokong tanggapin na magulo ang bansa ko. Pero ano pa nga ba? sabi nga nila ang katotohanan ang magbibigay sayo ng tunay mong kalayaan. Pero para naman sa akin ang pag-amin sa isang negatibong bagay ay hindi natatapos sa basta pag-amin nalamang nito. Dapat laging may kasunod na aksyon para ang negatibo maging positibo.
Sa laki ng papulasyon natin at sa lawak ng lupain ng ating bansa ay hindi maiiwasan ang pagkakaiba-iba. Maaaring pagkakaiba-iba sa kulay ng balat , intonasyon ng pagsasalita, paraan ng pagkilos, lebel ng pag-iisip,kakayahan sa buhay at pagkakaiba-iba ng paniniwala. Dahil yata sa mga bagay na ito ay mayroon tayong nalilimutan, nalilimutan nating magkakaiba lang tayo ngunit hindi tayo magkakalaban. Hindi dahil iba ka sa kanya at siya ay iba sa iyo ay magkalaban na kayo,sa buhay ng tao dapat lamang talaga na magkaroon ng kaliwa upang malaman kung nasaan ang kanan.
Kung tatantsyahin ko tatlong minuto na akong nagsasalita sa harapan. Ibig-sabihin ay siyam na sanggol na ang nadagdag sa populasyon. Kailangan ko nang tapusin ang pagsasalita ko, ayokong sayangin ang oras ninyo sa pakikinig lamang dahil alam kong pagkatapos nito ay kikilos na tayo upang hindi na gustuhin pa ng mga sanggol na bumalik sa mga matres ng mga nanay nila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento