Sabado, Oktubre 8, 2011

Ang boses ng tahimik, at ang maingay na nananahimik! ( Sanaysay na naka-adres sa klase) Ni Jerold Noble Dramayo


Tila isang ordinaryong katangian na nga ata ng isang silid-aralan ang pagkakahawig sa isang merkadong saksakan ng ingay. Tawanan sa likuran, kwentuhan sa harapan, batuhan sa kaliwa’t kanan, may klase o wala man.

            Sabi nga ng ilan sa mga guro’t propesor, na sana ang lakas ng boses ng mga estudyante pagdating sa kwentuhan at tawanan ay gamitin na lamang sa pagsagot sa klase na mas may kabuluhan. Ngunit dahil sa hindi naman lahat ng mga estudyante sa loob ng kwarto ay sa pag-iingay lamang magaling, mayroon din mga naka-upo lang sa tabi at magsasalita lamang kung kakailanganin. Kaya’t madalas  na ikinukumpara ang dalawa, yaong magaling lang sa ingay ngunit sa klase ay nangangamote, kumpara sa mga nananahimik lang ngunit sa mga tanong sa iskwela mas sumasagot ng mabuti.
           
            Sa ika-apat na palapag ng isa sa mga prehisteryosong unibersidad sa Pilipinas, matatagpuan ang isang makabasag-pinggan sa katahimikang kwarto – ang W-405. Ngunit syempre isa lamang iyong biro ika nga. Dahil sa isa lamang ang kwartong iyon sa mga maiingay na klase sa buong unibersidad bukod sa ingay na mula sa mga naka-mikroponong mga aktibistang araw-araw na bumubulahaw sa lahat. Oo, ang mga mag-aaral ng ABF 2-1 ang siyang residente ng W-405.

            Sa mga klaseng ginaganap sa kwartong iyon, dalawang mukha ng estudyante lamang  ang maaaring mapansin. Yaong mga madalas na mag-kwentuhan ngunit kung sa klase ay tatanungin, magkakamot lang ng ulo at wala ring sasagutin, at yaong ibang nananahimik ngunit di hamak na mas magaling.

            Ngunit hindi ibig sabihin na kung ikaw ay maingay sa klase, ikaw yaong walang alam palagi. At kung ikaw naman ang tahimik lamang sa tabi, ikaw yaong mas tama at nangunguna pagdating sa klase. Pagkat minsan baliktad ang ating mga pinaniniwalaan,  minsan iba pala yaong ating inaasahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento