BY : CHRISTELLE JOY MALIJAN
Ang ating bansa ay maihahalintulad ko sa isang pampasaherong jeep. Isang jeep na may driver, barker, at mga pasahero. Sinisimbolo ng jeep ang Pilipinas, ang barker naman ang sumisimbolo sa mga opisyal ng gobyerno na syang katuwang ng driver na sumisimbolo naman sa pangulo n gating bansa. Magkatuwang sa pang-aakit ng mga pasahero na sumisimbolo sa mga mamayang Pilipino na patuloy na sumasakay sa hindi magandang pagpapatakbo ng driver na siya namang umaasa at patuloy sa paghingi ng pamasahe na sumisimbolo sa buwis na binabayad ng mamamayan.
Mga mamamayan na hindi pantay-pantay ang natatamasa sa kabila ng pare-parehong pagbabayad ng buwis. Makikita sa loob ng jeep na ang ilang pasahero ay maayos na naka-upo na sumisimbolo sa mga taong nakaka-angat sa buhay samantala ang iba naman ay hirap na hirap sa kanilang pwesto na sumisimbolo sa mga nahihirapan nating mamamayan. Ang ilan nga’y sumasabit na lamang na sumisimbolo naman sa mga mamamayang pilit na sumasabay sa agos ng buhay. Anu nga ba ang plano sa atin ng driver? Saan kaya tayo dadalhin ng biyaheng hindi alam kung saan tutungo? Ito na kaya ang byahe tungo sa tuwid na landas?
Kabi-kabilang batikos ang inaabot di lamang ng ating pangulo kundi ng iba pang mga namumuno sa ating bansa o mga tao sa gobyerno. Marami ang nagsasabing hindi nagiging maganda ang pagpapatakbo ni P.Noy sa ating bansa. Marahil siya ay bago pa lamang sa pagka-pangulo at kung matatandaan ay sinabi niya noon na hindi niya pinangarap maging isang pangulo. Kaya naman ay hindi siya nangako bagkus sinabi niyang gagawin niya lahat ng kanyang makakaya upang maitungo tayo sa tuwid na landas at tayong mga mamamayan ang magsisilbi niyang boss.
Naging mababa ang markang nakuha ni P.Noy sa maraming mga mamumuna lalo na sa mga kabataan. Sinasabing hindi daw pinapahalagahan ni P.Noy ang edukasyon dahil sa mga budget cut na kanyang ipinapatupad. Dahil dito, kabi-kabilang rally ang ginagawa ng mga estudyante ng mga state universities o mga iskolar ng bayan. Patuloy nilang ipinaglalaban ang karapatan sa mataas na kalidad na edukasyon sa mababang matrikula lamang.
Sinasabi rin na tumaas ang bilang ng mga walang trabaho at hindi nagiging sapat ang sahod ng mga manggagawa nating mamamayan. Naging mababa naman ang seguridad sa ating bansa dahil sa mga walang batid na patayan, pambobomba at kidnapping na nagaganap. Hindi rin nakaliligtas sa mga mapanghusgang mata ang tila pagiging sunud-sunuran daw ni P.Noy sa kanyang mga kaalyado. Ginagawa rin daw na paraan ni P.Noy ang pagbatikos sa nakaraang administrasyon para magmukang mas maayos ang kanyang pamumuno.
Ngayong panahon ng kalamidad, sari-sari na naman ang mga ibinabatong batikos sa ating gobyerno. Dahil sa mga bagyong nagdaan, nagkaron ng malaking pinsala sa maraming lugar sa ating bansa. Nariyan ang mga pagguho ng lupa, lagpas taong baha at mga sirang imprastraktura at mga pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan gaya ng pagsasaka at pangingisda. Maraming buhay at bahay ang nawala na nagbunga ng hindi mapigilang pagdaing ng mga mamamayan. Panay ang daing sa mabagal na pag-aksyon ng ating pamahalaan.
Ilan lamang ang mga binaggit ko sa kabi-kabilang pambabatikos sa ating pamahalaan o sa pamumuno ni P.Noy. Marahil marami ngang pagkukulang an gating pamahalaan. Maraming mga pangangailangan ang mga mamamayan na hindi natutugunan ng maayos ng pamahalaan. Hanggat marami sa atin ang kumakalam ang sikmura, walang maayos na tirahan, walang matinong trabaho at hindi nawawalan ng palaboy sa kalye ay hindi nating masasabing maunlad an gating bansa.kailangan lang siguro nating magkaisa at makipagtulungan sa ating pamahalaan nang sa gayon ay maging maayos ang ating byahe patungo sa tuwid na landas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento