Hindi ako naniniwalang kabataan ang kinabukasan ng bayan.
Inis na inis ako sa mga guro ko sa elementarya kapag sinasabi nilang “kabataan ang kinabukasan ng bayan” nakagigigil! Pakiramdam ko’y minamaliit nila ang pagiging bata ko. Aba’y kinabukasan daw! Ang lagay ba e bukas pa may magagawa ang mga kabataan?
Maldita ako nung bata ako, hindi ko pa man alam ang salitang “mapapel” alam ko na kung papaano maging mapapel. Ganito yon, noong nasa grade 3 ako may bagong gurong pumasok sa silid-aralan namin . English language ang asignatura at synonyms/antonyms ang paksa. Nagbigay ng salita ang guro- “happy” pagkatapos ay ibinigay ang kabaliktaran “unhappy”, umalma naman ang mapapel na bata (ako yun) sabi ko, “I think mam sad is more correct than that word, you are wrong po.”
Nakakainis kasi, ginagawang t*nga ang mga bata! Happy tapos ang kabaliktaran unhappy, wala bang mas matalinong sagot? Natatakot ako nung mga panahon na yun na ang susunod nyang halimbawa ay ang salitang sad tapos ang kabaliktaran unsad . nakakaloka. Pero hindi ko sya binastos nun ah, gumamit ako ng “po”.
Bukod sa paggamit ng po at opo tinuruan din ako ng dady ko na laging magsabi ng totoo. Lagi kaming kumakain noon sa labas, kaming lima nila mommy, daddy , ako, si kuya at ang lola ko. Pero isang pagkakataon noon hindi namin naisama si lola, ang bilin ni daddy huwag sasabihin na nag-jollibe kami dahil magtatampo yun.
Kinabukasan, nakasilip kami ni kuya sa jalusi
Lola: kumain kayo sa jollibe kagabi?
Ako: (ngiting tagumpay) opo! Tapos kumain pa kami ng chicken po, tapos ng……..
Pinigilan ako ng kapatid kong magsalita, tinakpan nya ang bibigko ng madumi at nakasusulasok nyang kamay. Ayaw na ayaw kong ginagawa nya sakin yun. Umiyak ako ng malakas na malakas, yung tipong maririnig sa kabilang kalsada. Pinaghahampas ko si kuya. Dalawa na kaming umiiyak, at gaya ng mga laging nangyayari bababa si dady mula sa kwarto para sawayin kami.
Dady: ano ba! bakit kayo nagaaway?
Kuya: (hikbi) kase (hikbi) po (hikbi) si (hikbi) jamae (hikbi)sinasabi kina lola na
umalis tayo kagabi.
(Hindi ako nagsasalita nung mga panahon na yun, hindi ko na maalala kung bakit, basta’t hindi ako kumikibo.)
Daddy: jamae bakit mo naman sinabi?
Jamae: diba daddy sabi mo BAWAL MAGSISINUNGALING?
Nganga si ama.
Tinatandaan ko talaga ang lahat ng mga bagay na tinuturo sakin ng daddy ko, kaya lahat ng mga pananaw ko ngayon halos lahat sa kanya nagmula. Sa lahat ng grade 4 students noon ako lang yata ang nakiipag kwentuhan sa tatay niya tungkol sa takbo ng ekonomiya ng bansa.
Mahilig din ako making kapag nagchichismisan ang mga tiyahin ko habang kinukutuhan nila ako (kutuhin ako nung bata ako) nakikinig ako noon hindi dahil enteresado ako sa mga pinaguusapan nila. Nakikinig ako dahil pakiramdam ko ay matanda na din ako kaya dapat akong sumali sa usapan nila, sa usapan ng mga matatanda. Tagapakinig lang naman ako, pero paminsan-minsan ay nadudulas ako sa mga mismong tao na pinagchichismisan nila. Suhulan lang ako ng maling at kanin magkukwento na ako at ang kasunod na eksena ay awayan na nila. Hindi ko yun kasalanan, sinabi ko lang ang narinig ng maliliit kong tainga.
Bata pa lamang ako pakiramdam ko ay matanda na ako, ngayong medyo matanda na ako tsaka ko lang nalamang bata panga ako nung bata pa ako. (haha ang gulo ko) para sa akin kasi ang edad ay numero lamang at ang tunay na katandaan ay mababase sa mga desisyong gagawin mo at higit sa lahat ay kung papaano mo ito mapagninindigan. Positibong pagtanggap sa mga pangyayari, responsableng kilos at galaw, maayos na persepsyon sa kinabukasan, at pagkakaroon ng matibay na paninindigan. Ito ang tunay na pinagkatandaan .
Matibay ang paniniwala kong hindi tayong kabataan ang kinabukasan ng bayan dahil kaya nating kumilos para sa tama, Ngayon na. Kaya nating magsalita para sa ikabubuti ng lahat, ngayon na. kaya nating patayin ang mga mamatatandang suliranin ng ating bansa, ngayon na. Hindi kabataan ang kinabukasan ng bayan dahil hindi na natin hihintayin ang bukas at kikilos tayo, ngayon na.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento