Noong ako'y bata pa, gustong-gusto ko ang mga bagay na makulay, mabilis o di kaya ay kakaiba. Minsan lang ako kung ibili ng laruan kung kaya't sa drowing ko na lang idinadaan ang mga laruang nais kong mahawakan at maranasang hawakan. May pagakakataon pa ngang pumunta kami ni mama sa mall at may nakita akong barbie doll, gustong gusto ko talaga iyon at agara kong sinabi kay mama na bilhin iyon. Ngunit bumulong sa akin si mama at sinabing , "Mahal iyan anak. Sa susunod na lang pag may pera". Hindi ko pa alam kung ano ang mahal o di kaya ay mura noon, basta't nagugustuhan ko agad kong sinasabi kay mama. Pero parehong sagot ang naririnig ko galing sa kanya.
Maraming pagkakataon na naiinggit ako sa ibang bata. Tandang tanda ko pa noon ang pagkauso ng tig-tatlong gulong na bisikleta. Ang kapitbahay naming mayaman, may bisikleta na at kulay pink pa ito. Tuwing hapon, lumalabas siya sakay sa kanyang bisikleta habang naksunod ang kanyang yaya. Ilang gabi ko ding napapaginipan ang bisikletang iyon. Nakasakay daw ako doon at parang lumilipad sa bilis ng aking pagpapatakbo. Naging libangan ko na ata ang pagnuod sa aming kapitbahay habang nakasakay siya sa bisikleta. Kahit sa drowing book ko ay puro bisikleta ang nakadrowing doon. Hindi ko masabi kay inay na gusto ko ding magkaroon ng bisikleta, alam ko ang estado namin sa buhay kahit sa murang edad pa lamang.
Isang hapon at naglalaro na naman ang kapitbahay naming mayaman. Walang pinagbago at nakatuon pa rin ang diwa ko sa bisikleta. Nagulat na lamang ako ng lumapit siya sa akin. Dahan-dahan ay bumaba siya sa bisikleta at ito'y ipinahiram sa akin! Tuwang-tuwa ako noon at tila ang panaginip ko ay natupad din.
Di naglaon ay naging malapit na magkaibigan kami ng aming mayamang kapitbahay. Naranasan ko ng pumasok sa malaki nilang mansyon, maupo sa malambot na sofa at kumain ng masasarap na potahe. May dalawa siyang yaya at ingles ito kung makipag-usap sa kanya. Naglaro din kami sa kanyang kwarto na tila sinlaki na ng buo naming bahay. Naroon at nakahilera lahat ng mga pinapangarap kong laruan. Mga laruang idinodrowing ko lang at napapanaginipan.Ngayon ay nasa aking harapan na at nahahawakan ko na.
Alam na alam ko ang laki ng agwat ng aming estado sa buhay. Sa laki ng bahay, pagkain at syempre sa mga laruang inaasam ko. Sa mga karanasang ito ay natuto ako magkaroon ng pangarap at kung paano ito matutupad. Ngayon ay nag-aaral na ako at hinuhulma ang aking kinabukasan.Ang lahat ng bagay na ito ay nagsimula sa bisikleta ..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento