Kanino ba nakasalalay ang pagkatuto naming mga mag-aaral? Sa mga guro kaya? O sa amin mismo? Magandang araw ang aking pagbati para sa aking mga kamag-aral at sa inyo aming guro Maam Apigo! Ang katanungan sa itaas ay matagal ng sumasagabal sa aking isipan. Kanino nga ba nakasalalay ang pagkatuto namin? May ilang nagsasabi na ito ay nasa kakayahan ng mga mag-aaral. Kumbaga ang bawat leksyon ay parang isang kaning isusubo sa atin at tayo na ang bahalang ngumuya. May ilan din namang nagsasabing nasa kamay pa rin ng mga guro ang pagkatuto ng kanilang mga mag-aaral.
Sa bawat araw na pagpasok natin sa paaralan tayo’y nananalig na may bagong leksyong matututunan. Mauupo sa kani-kanilang upuan at maghihintay sa pagdating ng guro. Tumatagal ang pagkakaupo at hindi namamalayang natapos na ang oras para sa buong araw. Nakapanghihinayang, nasayang ang oras sa pagtingin sa harap ng blackboard. Lilipas ang isang araw na walang natutunan, lilipas ang isang araw na puro tsismisan ng iyong mga kaklase ang baon pauwi. Bibigyan ka pa ng assignment kapag may jokes na hindi mo na-gets.
May pagkakataon naman na kung minsan ay loaded ang araw natin. Dumating ang lahat ng propesor, ngunit wala pa rin tayong natutunan. Bakit? Kung hindi kasi mga nasa harap lang nito ang kausap ay madalas pisara ang kaharap at tinituruan. Kung minsa’y nakatanga ka na lang na nakabuka pa ang bibig dahil sa hina ng boses habang ito’y nagsasalita. O kaya’y naipamamalas mo ang iyong pagiging artistic dahil sa kung ano-anong drawing na ginagawa mo sa iyong notebook. Ngunit may araw din naman na tutok na tutok tayo sa ating propesor, malakas ang kanyang boses at talagang iyong maririnig ngunit sa kabila nito, wala pa rin tayong natutunan. Bakit kaya? Dahil pinangungunahan tayo ng takot sa kanila. Sila ang mga terror teachers na tinatawag.
Kadalasan naman ay gusto natin ang subdyek na itinuturo pati na an gating guro, ngunit wala pa rin tayong natutunan. Bakit? Dahil sa oras ng klase ay ito tayo at natutulog ng mahimbing sa upuan at gumagawa ng sariling leksyon sa ating panaginip.
Maraming magagaling na propesor ang humahawak sa atin ngunit bakit kaya panay bagsak pa rin ang nakukuha natin sa mga pagsusulit? Isa lang ang sagot dyan, hindi kasi tayo nag-aaral! Kung minsan ay nais naman nating bumawi kaya’t ito tayo at makikinig na sa leksyon n gating guro. Ngunit dahil sa ingay ng katabi natin wala na naman tayong natutunan. Sa pag-uwi sa bahay ay nangako tayong mag-aaral ng ating mga leksyon. Binuksan ang ating libro at sabay tiklop ulit ditto. Kinuha na lang ang cellphone at tinext ang mga kaibigan o ka-ibigan.
Para sa akin ang pagkatuto ng mga mag-aaral ay parehong nakasalalay sa kamay ng guro at estudyante. Kung may pagkukulang ang ating mga guro, matuto tayong mag-adjust, hindi sa lahat ng bagay ay dapat tayong umasa sa kanila, isang bagay na matututunan natin sa paaralan ay ang tumayo sa sariling mga paa. Ibigay natin ang 101% na mayroon tayo sa bawat pagsusulit na hinaharap natin masuklian man lang natin ang 201% ng effort ng ating mga guro sa pagtuturo sa matitigas ang ulo, hindi nakikinig, antukin, at madadaldal na estudyante na tinuring na kanya na ring anak! Nagbibigay pugay ako sa mga katulad kong mag-aaral na nagpapakahirap mag-aral sa kabila ng dami ng tukso sa paaralan. Aba’t mahirap nga namang magpigil sa tukso. Sa pagtatapos ng aking talumpati nais kong mag-iwan ng isang magandang kasabihan. “kung gusto may paraan, kung ayaw maraming dahilan”. Maraming Salamat!
ni:maria katrina camposano
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento