ni: Jessa Faith C. Togonon
Sa panahon natin ngayon, maraming bagay na ang nagbago. Simula sa pananamit, paraan ng pagsasalita, mga gamit sa bahay o di kaya ay uri ng musika. Ngunit may isang bagay na hindi nagbabago sa Pilipinas, ang kahirapan at pagmamataas ng mayayaman.
Strike dito, strike doon. Tila ang salitang ito ay hindi na bago. Nakagisnan ko na ito simula pa noong bata pa ako. Hindi nakapagtataka dahil ang mga magulang ko ay kapwa lider ng SKM at ang aking ama naman ang punong tagapag-ayos ng mga strike na gagawin. Ano nga ba ang pinaglalaban namin? Naririnig kaya nila ang hinaing namin? O di kaya, may pagkakataon bang gawan ng solusyon ang aming mga nakahaing problema?
Siyam na taong gulang ako noon nang una akong sumabak sa pagrarally. Natatandaan ko pa noon na nakasakay ako sa balikat ni ama habang hawak-hawak ko ang karitolang-------- "EDUKASYO'Y IPAGLABAN PARA SA KABATAAN", ako mismo ang gumawa ng islogan naiyon at sa murang edad ay mulat na ako sa mga sakit at problema ng ating lipunan.
Ika-17 ng Mraso,2006--- Tandang-tanda ko ang araw na iyon. Ang araw na nilisan ni ama ang aming tahanan upang mamundok kasama ang iba pang kasapi sa kanilang samahan.Kasabay din ng araw na iyon ay ang aking ika-18 kaarawan. Kung sana ay pantay-pantay ang lahat at may maayos na sistema ang gobyerno ay hindi na ito gagawin ni ama para sa ikabubuti na rin ng iba nyang kasamahan. Ang pamumundok raw ang pinakamabisang paraan upang marinig agad ng gobyerno ang aming hinaing.
Ika-17 ng Marso,2007. Isang taon na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin nakababalik si ama. Iyon ang aking kaarawan at pangalawang pagkakataon na wala si ama sa aming piling.
Alas tres ng hapon ...
Isang balita ang sumabog na may engkwentrong naganap sa kabundukan ng Midasayap, Cotabato. Nararamdaman ko ang tibok ng aking puso at pulso na unti-unting bumibilis habang binabasa ng reporter ang pangalan ng mga nasawi. Bawat bigkas ng mga pangalang ay dumudurog sa aking dibdib.
JUAN DE ANTONIO .... Katahimikan .... Hindi makapaniwala..... Pangalang kanyang sinambit na tuluyang nagpapatak ng aking luha.
Apat na taon na ang nakararaan mula ng insidenteng iyon. Hanggang ngayon, ay wala pa ring pagbabago. KAHIRAPAN, KAHIRAPAN, KAHIRAPAN! Bagay na ipinaglaban ng aking ama, hindi lamang siya kundi daan-daang buhay na naibuwis.
Kailan matatapos ang pakikidigma na ito? Kailan mabibigyang hustisya ang mga nasawing buhay? Kailan magkakaroon ng pagbabago sa salitang kahirapan? Hanggang katanungan na lamang ba ako at walang mahanap na kasagutan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento