Lahat tayo ay nilikha ng may pagkakaiba. Kumbaga sa finger print o stripes ng zebra hindi maaaring magkapareho. At ito ang pinag-ugatan ng labanan ng uri.
Marami sa mga ka-edad ko ngayon ay hindi nanaising nasa kanilang bahay lamang sa buong maghapon. Ngunit sa kaso ko ay baligtad ang gusto. Kaya kong manatili sa aming bahay kung wala namang kailangang puntahan. Hindi ako mapaghanap ng ibang lugar na matatambayan, kuntento na ako sa apat na sulok ng aming tahanan. Kung minsan nga’y Mama ko na ang nag-uudyok sa aking lumabas ng aming bahay. Hindi na raw ako kilala ng mga taga sa amin. Sa akin ay ayos lang kung hindi man nila ako kilala, hindi ko rin naman sila kilala. Anong magagawa ko? hindi ako mahilig maglakwatsa. Hindi kasi ako ganun eh!
Naalala ko nung minsang tanungin ako ng aking kaklase kung bakit daw ang tahimik ko. Tiningnan ko siya ng matagal at sinabi sa kanyang “mas malakas lang ang boses mo sa boses ko kaya’t hindi mo naririnig ang pag-iingay ko”. Kung minsan ay sadyang tahimik nga ako, nagmamatyag ang mata at inoobserbahan ang iba. Mas gusto ko ring nakikinig lang at hindi ang nagsasalita. Naniniwala rin ako na kung walang kabuluhan ang sasabihin mo tumahimik ka na lang. Ngunit hindi naman nangangahulugan na walang kabuluhan ang mga sasabihin ko kaya’t tahimik lang ako. Ayoko lang makadagdag ng ingay sa loob ng isang kwarto kung wala namang katuturan ang lalabas sa bibig ko. Anong magagawa ko? Hindi talaga ako madaldal. Hindi kasi ako ganun eh!
Minsan ay humingi ng payo sa akin ang kaibigan ko tungkol sa kanila ng kanyang kasintahan. Ano raw ba ang dapat niyang gawin? Nakikipagkalas na kasi sa kanya ang kanyan mahal. Nag-isip ako at pinagtimbang-timbang ang mga senaryong kinuwento niya sa akin kung bakit nagkalabuan sila. “kasalanan mo yan” ang sabi ko sa kanya “matigas kasi ang ulo mo”, tiningnan niya ako at sinabing “kaibigan ba kita? Dapat sa’ken ka kumakampi dapat inaalo mo ako”. Hindi ko siya maintindihan, masama na ba ang magsabi ng katotohanan? Hindi ko na ba siya kaibigan dahil lang sa sinabi ko sa kanya ang totoo? Mga tao nga naman hihingi-hingi ng payo at kapag pinayuhan moa yaw namang tanggapin. Mahalaga sa akin ang mga kaibigan ko, kung kaya’t hindi ko gugustuhing lunurin sila sa mga papuri o kaya’y sang-ayunan sila sa mga maling ginagawa. Para sa akin mas tamang masaktan sila sa mga totoong pangyayari kaysa masayahan sila sa mga kasinungalingan. Anong magagawa ko? Totoong masakit malaman ang totoo pero yun ang gusto ko. Ganun kasi ako!
Mayaman ka man o mahirap. Madaldal o di kaya’y tahimik. Maganda o pangit. May mga sari-sariling katangian at kakayahan ang bawat isa sa atin. Kung pipilitin mong baguhin o alisin ang isa sa mga katangian o kakayahan na mayroon ka para lang ma-in o tanggapin ng iba, hindi na ikaw yan! Mali man lagi sa paningin ng iba ang ginagawa mo o kung mas magaling man sila sa iyo tandaan mo walang taong perpekto. Kung nais mo pa ring magbago siguraduhin mong para sa mabuti ang gagawin mo at hindi ka makasasakit ng ibang tao. Nilikha ka ng Diyos na ganyan, bakit hindi mo na lang paunlarin at ipagmalaki sa iba kung sino ka talaga. Uulitin ko ang tao’y parang finger print at stripes ng zebra hindi maaaring magkapare-pareho dahil magkakaiba.
ni:maria katrina camposano
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento