ni: Jessa Faith C. Togonon
Oktubre 6----- Limang oras na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin nakatutulog ang hapung-hapu niyang katawan. Mag-aalasais na ng umaga pero ang diwa niya ay tila lumilipad sa kawalan. Pilit na pinipikit ang kanyang mga mata ngunit nakikita lamang niya ang kadiliman.. Kadilimang sabik sa kaliwanagan at kadilimang naghahanap ng kapayapaan.
Oktubre 3------ Isang sekretong pagpupulong ang naganap kasama ang mga taong uhaw sa katarungan. Dahan-dahan ang pagpapakinis ng plano at mga boses ay halos nagbubulungan na. Gamit ang isang pirasong lampara na umiilaw sa isang silid na unti-unting pinapatay sa tuwing may mga sundalong napadadaan.
Isang sikretong paglusob!
Paglusob, pagpaslang------------Kapayapaang hanap ay makakamtan sana. Ang mga grupo ng sundalong Hapon na sumakop sa kanilang baryo na walang hapas manguha ng kanilang ani at mga kagamitan. Pagyurak sa katauhan ng mamamayan simula bata at matatanda, walang pinipili,walang isinantabi. Mga kababaihan na nawawala sa sarili matapos sapilitang isinasama ng mga walang-hiyang sundalo. Iyak, hinagpis, at pagmamakaawa ang lagi nilang naririnig. Mga tunog at boses na unti-unting dumudurog sa puso ng bawat mamamayang naroon sa baryo.
Oktubre 4------ Sa loob ng kampo ng mga Hapon ay dahan-dahan ang paglusob ng mga sibilyan, gamit ang itak na ipinanggigilit sa leeg ng bawat sundalo. Isang tunog ang umalingawngaw! Tunog na nagpagising ng tuluyan sa diwa ng mga sundalong handa na rin sa labanan.
Walang humpay na pakikipaglaban ang naganap, walang tigil na pagsigaw at pag-iyak sa sakit, walang mayaw na pag-agos ng dugo ang naganap ng araw na iyon.
Oktubre 5,------ Mas maraming pag-iyak, hinagpis at pagmamakaawa ang bumalot sa buong baryo. Tunog ng latigo a kadenang sa umaga'y bumungad sa bawat mamamayan. Ang mga sawing-palad, hayun at walang-hapas na nakasilid sa kariton hila-hila ng rebeldeng nilalatigo. Rebeldeng nais ay katarungan, kapayapaan at kaayusan.
HUSTISYA! Mga salitang nais ibulalas ng mga tao roon. Makikita sa kanilang mga mata ang pagkasabik sa mga salitang iyon. Maraming paghihirap at pakikibaka pa ang kanilang susuungin, mga taong bawat araw ay tila nasa impyerno at dumaranas ng unti-unting kamatayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento