AN’SABE MO? Ang sabi kasi ng lola ko lahat ng tao ay gumagamit ng wika ngunit hindi lahat ng tao ay pareho ang wikang ginagamit.SABI?
Ingles o Filipino, dalawang wika na magkaiba ang pinaggalingan ngunit pareho nating ginagamit sa kasalukuyan. Ingles na mula sa bansang Amerika at Filipino na mula sa ating sariling bansa, ang Pilipinas. Ang sabi nila malaya na raw ang ating bansa sa mga nanakop sa atin, ngunit bakit hanggang ngayon ay nananatili pa rin tayong napapailaliman maging sa paggamit ng wika.
Sinasabi nila na ang wikang Ingles daw ang pangunahing wika sa mundo, kaya naman pag marunong kang gumamit ng wikang ito ang tingin sa iyo ay edukado at mayaman na tao. Sa kasalukyan, maraming paaralan ngayon ang may patakaran na gumagamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo o di kaya’y may nakapaskil na “This is an English speaking school”. Marahil, sapilitan ang pagsasalita ng Ingles ng mga estudyante sa mga paaralang ito o di kaya’y ginusto na rin nila. Malaya naman kasi tayong mamili. Maging sa senado ay Ingles rin ang karaniwang wika na ginagamit ng mga senador at kongresista sa pagdedebate ukol sa pagpapasa ng mga batas. Habang parami ng parami ang mga nagsasalita ng wikang Ingles, tila ba nakalilimutan na ng iba ang wikang Filipino, ang wika ng ating bansa, ang wika natin na dapat pagyamanin at paunlarin.
Hindi ako naniniwala na kapag magaling magsalita ng Ingles ang isang tao ay nagpapakita ito na siya ay matalino o edukado. Para sa akin ang taong magaling at mahusay sa paggamit ng kaniyang sariling wika ay mas matalino at mahusay pa sa mga taong mas marunong gumamit ng wika ng iba. Marami rin ang nagsasabi na hindi na dapat pag-aralan ang sarili nating wika sapagkat ito na ang ginagamit natin mula pa noong tayo ay magsimulang matutong magsalita, sa halip pagtuunan na lamang daw nating ng panahon na pag-aralan ang wikang Ingles sapagkat mas magagamit natin ito sa ating industriya ngayon kung saan maraming dayuhan ang nagnenegosyo sa ating bansa.
Masarap sa pakiramdam na tayong mga Pilipino ang tinatawag na isa sa mga mahuhusay sa paggamit ng wikang Ingles, ngunit mas masarap sa pakiramdam na tayo ay kikilalanin bilang isa sa mga bansang mahusay na gumagamit, nagpapahalaga at nagpapayabong sa ating wika.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento