Sabado, Oktubre 8, 2011

Maging sino ka man ni: Kathlyn Sauro ( sanaysay )

I LOVE YOU. MAHAL KITA.

Maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa ngayon bilang OFW workers. Marami rin sa kanila ang doon na nanirahan at doon na rin nakahanap ng napangasawa. Halos lahat sa kanila ay dayuhan ang nakatipan. Marahil may nakita sila sa mga dayuhan na wala sa kapwa natin Pilipino. Aminin natin na malaki talaga ang pinagkaiba ng mga dayuhan sa atin hindi lang sa pisikal na pangangatawan ngunit pati na rin sa kultura at kaugalian. Ang mga dayuhan ay karaniwang mas matatangkad, mapuputi, matatangos ang ilong kesa sa atin. Ito nga kaya ang dahilan kung bakit ag ilan sa ating mga Pilipino ay nag-aasawa mula sa ibang lahi o kaya nama’y mas mapagmahal lang ang mga dayuhan kaysa sa ating mga Pilipino.

May mga paniniwala rin na kaya mas pinipili ng ating mga kababayan na makapangasawa ng mga dayuhan ay upang makaraos sa kahirapan at makapunta o makapanirahan sa ibang bansa. Sa paniniwala nila pera lamang ang habol nating mga Pilipino. Isang masakit na paratang ngunit kung minsan ay totoo. Ngunit hindi lang naman palaging ganito ang senaryo. Mas madalas parin na ang mga dayuhan ang nagkakagusto sa ating mga Pilipino. Ano nga ba ang mayroon sa mga Pilipino na wala sa mga dayuhan?

Sinasabi natin na tayong mga Pinoy ay likas na masiyahin, palakaibigan, maasikaso, magalang, masipag, may magandang samahan sa pamilya, magiliw sa mga panauhin at higit sa lahat MAPAGMAHAL. Ito ang mga katangian na ipinagmamalaki nating mga Pilipino. Samakatuwid, ito ang mga katangian ng nagugustuhan sa atin ng mga dayuhan, subalit bakit nga ba ang ilan sa atin ay may pinipili pa makapangasawa ng mga dayuhan sa halip na kapwa natin Pinoy. Hindi ba’t may mas magagandang katangian tayo kaysa sa kanila. May ilan pa sa atin na naghahanap pa ng mga dayuhan sa internet sa pamamagitan ng pakikipag’chat. Ang prinsipyo kasi nila, kung kapwa Pinoy ang mapapangasawa, ay baka walang mangyaring pag-asenso sa buhay nila. ISANG MALING PRINSIPYO. Nasa tao mismo ay susi ng pag-asenso at wala sa nasyonalidad kundi nasa sipag at tiyaga.

Hindi mali na makapangasawa ng dayuhan lalo na tunay na pagmamahal ang nararamdaman at hindi lamang para sa pansariling kaunlaran. Ngunit isipin din natin na maigi pa rin ang makapangasawa ng kapwa natin Pilipino sapagkat tayo ay may iisang kinalakihan na kultura at kaugalian. Sa huli, tayo pa rin ang makakaalam kung sino ba talaga, dahil may kani- kaniya tayong kalayaan na mamili at magmahal.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento