Sabado, Oktubre 8, 2011

"Isang Pag-amin" (malayang sanaysay) ni: Janella Mae Cadiente


Isa akong rapist.
Hindi ko sinasadya, maalindog siya at nakatutukso. Sariwang sariwa pa siya ng mga panahon na iyon. Lahat ng makakakita sa kaniya ay tunay na nahahalina, kasalanan ko ba na ako’y mahina? Dala lamang ang lahat ng aking pangangailangan. Kung hindi siya ay sino?
                Inaaamin ko ang pagiging mapusok ko, tao lamang ako at hindi ko kaagad na isip ang lahat ng kahihinantan ng kapusukan ko. Mahina ako dahil hindi ko napigilan ang sarili ko  at binaboy ko siya. Alam kong masama na nga ang tingin ng lahat sa akin. Hindi ko sinasadya ang lahat.
                Hanggang ngayon ay inuusig ako ng aking konsensya, hindi siya matagalan ng aking mga mata dahil sa tuwing nakikita ko ang bangkay nya ay bumabalik sa alaala ko ang lahat. Hindi ko na maibabalik ang dati nyang ganda, hindi ko na maibabalik ang alindog nya. Nagsisisi ako.
                Tatanggapin ko ang lahat ng parusa, tatanggapin ko kung ano man ang maging kapalit. Sana ay hindi pa huli upang ako'y makabawi . pangakong hindi na ito mauulit. Hindi na ako kailan man muli mananamantala. Hindi ko na kailan man muling gagahasain si inang kalikasan.

"Hindi Mo Mapuputol ang Ugnayan?" (speaker) ni: Janella Mae Cadiente


                Magkakadugtong ang bawat pangyayari sa mundo. Kung hindi maingay yung kapit-bahay nyo kagabi ay nakatulog ka ng maaga at hindi ka mahuhuli ng gising at hindi mo na kailangan pang agawan ng upuan sa jeep yung babaeng papasok sa trabaho  edi sana hindi hindi nagalit at namatay sa ateke sa puso ang boss nya. Hindi alam ng kapitbahay nyo na nakapatay na pala sya ng tao dahil sa pagiingay nya nung gabing iyon.
                 Kadalasan ang bawat kilos mo ay makakaapekto sa mga nasa paligid mo. Sinadya siguro ng Diyos na maglagay ng isang pising nagdudugtong-dugtong sa bawat nilikha niya. Sa ayaw man natin o sa gusto ang ginawa ng ibang tao ay makaaapekto sa atin, maliit man o malaki ang magiging epekto sayo. naapektuhan ka padin. Kaya nga kadalasan kahit hindi mo sinasadya nakakasakit ka ng iba. Parang yung kapit-bahay nga, napatay nya yung boss na inatake sa puso pero hindi nya sinasadya at hindi din nya alam.
                Mahirap kapag lagi mong isasa-isip ang bagay na iyan (baka mabaliw ka). Baka nga ngayon ay napapatanong kana kung bakit ko ginugulo ang isip mo. Gusto ko talagang guluhin ka, dahil gusto kong mag-isip ka at kumilos.
                Totoong dugtong-dugtong ang mga pangyayari sa bawat isa, at kung natatakot ka sa mga negatibong maaaring kahinatnan ng mga bagay, nako matakot kana nga dahil kahit kalian hindi ka magkakaroon ng kontrol! Isang bagay lang ang magagawa mo, at ito ay ang gumawa ng tama sa lahat ng pagkakataon, wag kang mang-aapak ng ibang tao para sa huli, magkanda leche-leche man ang buong Pilipinas alam mo sa sarili mong naging mabuti kang mamamayan.

"Problema nga Ito" (talumpati) ni: Janella Mae Cadiente

tatlong sanggol ang isinisilang sa  Pilipinas kada minuto, 180 kada oras, 4320 kada araw,30240 kada lingo, 120960 buwan , ibig-sabihin 1451520 na ulo ang nadadagdag sa populasyon ng Pilipinas kada taon. (kwentahin mo pa)
                isipin mo nalamang na pagkatapos mong magsipilyo tatlong bata na ang nadagdag sa populasyon, tapos magkakanaw ka ng kape tatlo nanaman. nagsipilyo ka lang at nagkape anim na agad na sanggol! Nakakaloka.
Kapag iniisip ko ang realidad na ito ay naaalarma ako, paano ba naman kase kung alam lang ng mga sanggol na iyan na ganito kagulong mundo ang dadatnan nila baka mas gustuhin pa nilang bumalik sa mga matres ng nanay nila. (kung pwede lang ganyan na ang ginawa ko nung sanggol palang ako)
Natatakot akong datnan ng mga susunod na henerasyon ang ganitong lipunan. Isang lipunang sagana sa kompetisyon at hindi pagkakasundo. Sanay na tayong naglalaban ang mga mayayaman at mahihirap, normal nalamang ang pagbubuno ng mga manggagawa at mga may-ari ng pabrika, kinalakhan na natin ang girian ng mga Muslim at Kristiano, umay na umay na rin sa pagsisiraan ng mga pulitiko. Sa madaling salita sanay na tayong laging may gulo.
Ako, bilang Pilipino ayokong tanggapin na magulo ang bansa ko. Pero ano pa nga ba? sabi nga nila ang katotohanan ang magbibigay sayo ng tunay mong kalayaan. Pero para naman sa akin ang pag-amin sa isang negatibong bagay ay hindi natatapos sa basta pag-amin nalamang nito. Dapat laging may kasunod na aksyon para ang negatibo maging positibo.
Sa laki ng papulasyon natin at sa lawak ng lupain ng ating bansa ay hindi maiiwasan ang pagkakaiba-iba. Maaaring pagkakaiba-iba sa kulay ng balat , intonasyon ng pagsasalita, paraan ng pagkilos, lebel ng pag-iisip,kakayahan sa buhay at pagkakaiba-iba ng paniniwala. Dahil yata sa mga bagay na ito ay mayroon tayong nalilimutan, nalilimutan nating magkakaiba lang tayo ngunit hindi tayo magkakalaban. Hindi dahil iba ka sa kanya at siya ay iba sa iyo ay magkalaban na kayo,sa buhay ng tao dapat lamang talaga na magkaroon ng kaliwa upang malaman kung nasaan ang kanan.
 Kung tatantsyahin ko tatlong minuto na akong nagsasalita sa harapan. Ibig-sabihin ay siyam na sanggol na ang nadagdag sa populasyon. Kailangan ko nang tapusin ang pagsasalita ko, ayokong sayangin ang oras ninyo sa pakikinig lamang dahil alam kong  pagkatapos nito ay kikilos na tayo upang hindi na gustuhin pa ng mga sanggol na bumalik sa mga matres ng mga nanay nila.

Kolehiyo: Isang lugar ng pagbabago ni Eardon Jan V. Reyes

   
   Simula nang tumapak ako ng kolehiyo, pakiramdam ko laging akong napag-iiwann sa klase, eh paano ba nman kasi hindi ako Pilot Section noong ako ay High School pa lamang tapos dito ako napadpad sa Unibersidad na ang utak ang puhunan, kaya naman lagi akong nahuhuli pagdating sa akademikong gawain, madalas nahihiya akong sabihin ang aking marka sa mga quizzes namin dahil sa mahina akong magkabisa madalas mababa grade ko, nakaramdam ako ng Class Struggle pero ganoon pa man, hindi ako kinutya ng aking mga kamag-aral bagkus ang kahinaan kong iyon ang nagsilbing daan upang ako ay magsipag, makilala at maging kaibigan ng lahat. Marami na kaming pinagdaanan ng aking mga kaklase, naranasan na namin na kami ay mapagtripan ng dalubguro at malapatan ng singkong marka kahit hindi naman karapat dapat pero kahit naging ganoon nagpapasalamat ako sa mga humubog ng aking katauhan, mga Dalubguro namin at aking mga kamag-aral, kaibigan at higit sa lahat ang ating Panginoong diyos.

Nosi ba galata? ni Eardon Jan V. Reyes

   Isang Magandang Araw sainyong lahat, mga kamag-aral, mga dalubguro at sa panauhing pandangal, ako po ay narito sa inyong harapan upang magsalita, magbahagi at upang tanungin sainyo ..


 .. Sino ba talaga ang tunay na kaawa-awa? 
Ang mahihirap ba na hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw o ang mayayaman na nakakakain ng higit sa tatlong beses sa isang araw? ang mahihirap ba na ang problema ay kung paano pakakainin ang buong pamilya sa araw-araw o ang mayayaman na ang pinoproblema ay ang negosyo nila dahil baka sila ay malugi? at ang kanilang problema sa pamilya dahil narin sa hindi sila Close Family Ties sapagkat ang kayamanan ang s'yang mahalaga sa kanila .. Sino nga ba talaga ang tunay na naghihirap?


   Ayon sa isa naming Dalubguro, pitumpung porsyento 70% ng ating bansa ay ang mga dukha at ang natitirang tatlumpung porsyento 30% ay ang mga mayayaman, ngunit nagsasalo-salo ang pitumpung porsyento 70% na mahihirap sa tatlumpung porsyento 30% na kayamanan ng ating bansa at ang tatlumpung porsyento 30% na mayayaman ay piangsasaluhan ang 70% na yaman ng ating bansa. Nakababahalang isipin na ganito ang kalagayan natin sa Pilipinas. Masakit talagang tanggapin ang katotohanan alam kong mayroon pa tayong magagawa upang malutas ang sitwasyon na ito, mahirap man isipin, alam kong darating ang araw na lahat tayo sa bansa ay magiging pantay-pantay.


Pyesa ng talumpati

Yeso hindi Chalk, Basahan hindi Eraser! (Sanaysay Pangklase: Ang karaniwang Hugpungan sa West Wing) ni Jimson Buenaobra


Yeso hindi Chalk, Basahan hindi Eraser!
(Sanaysay Pangklase: Ang karaniwang Hugpungan sa West Wing)


Ni Jimson Buenaobra



At katulad ng Lunes, Martes, Hwebes, Noong First year High school, Second Year, At kanina; Late akong pumasok.

Kinakabahan kung anong mangyayari sa loob ng klase. At dahil lucky day ko ang martes, sinwerte ako at wala ang First Subject, at dahil sa ganoong mga pangyayari nabuo ko ang ideya kung papaano ko bibigyang kulay ang class struggle.

Oo nga’t late ako sa klase, at katulad ng sinasabi ko, tumatambay ako sa West Wing kung saan makikita ang mga turistang hindi marunong managalog (mag-wikang Filipino) na para bang naiinggit sa ganda ng aming uniporme
.
Hindi ako galit sa kanila, nakakaasar lang kasi ang asta nila, parang pwede ng gawing bida sa takilya, kunsabagay hindi lang naman sila ang Globally Competetive eh, bakit kami? Hindi ba kami marunong mag ingles?

Minsan ko na silang nakasalamuha sa isang kumpetisyon, natalo ako pero hindi ko rito hinuhugot ang  emosyon ko, ginagawa kasi nila kaming maliit sa paningin nila, lalo na kung tatambay kaming magbabarkada sa labas, rinig na rinig namin kung papaano kami ibaba ng mga “sobrang husay” na mga turista.
_____________________________________________________________________________
Spell abattoir.            
Ey-bi-ey-ti-ti-ow-ay-ar.
______________________________________________________________________________
Anut-ano pa man, maswerte ako dahil AB Filipinolohiya ako, at bakit? Dahil Martes nga ang Lucky Day ko at Martes ako nag enroll sa PUP. At araw-araw nagiging Lucky Day ko sa tuwing may natutunan ako sa pagiging Filipino ko, sa twing nakikita ko ang mga kaklase ko.

Ang matanda sa henerasyon ng kabataan (Sanaysay) ni Jerold Noble Dramayo

           Kumpara dito, kumpara doon, kumpara sa lahat ng pagkakataon!

            Ang ilan sa mga kabataa’y nabubuhay sa ganitong sistema,  bawat kilos nila  sa mata ng mga matatanda ay hindi tama. Dahil sa hindi na tama ang ginagawa ng mga nasa kasalukuyang panahon, di daw tulad ng kaugalian nila noon.

            Ang masusing panghaharana ng isang lalaki noon, pagi-igib ng tubig at pagsisisbak ng kahoy ay tila wala na. Konting bolahan nalang at dere-deretso na. Ni hindi na kailangan ng basbas ng mga magulang, pagkat wala pang isang araw ang itatagal ang panliligaw ng isang hirang.

            Ito ang dinadahilan ng mga matatanda, kung bakit sa murang edad ay nagiging magulang na, mga mapupusok na kabataan na kinabukasan sa isipa’y wala na. Ang inaasahang sandigan ng bayan sa hinaharap ay wala ng kasiguraduhan, pagkat maagang nalamnan ang kaniyang sinapupunan. Hindi daw tulad noon, ni hindi maaaring magdikit ang babae’t lalaki, pagkat sila daw ay konserbatibo.

            Ang mga nakakatanda nga ay tunay na pabalik na habang ang mga kabataan ay papunta pa lamang. Sila yaong mas nakaaalam ng tama. Kaya’y walang masama kung ating susundin ang kanilang mga payo.

Oligarkiya ng mundo, laban sa Politika ng mahihirap at anak ng Demokrasya. (Tumutugon sa Pampolitika) ni Jimson Buenaobra

Oligarkiya ng mundo, laban sa Politika ng mahihirap at anak ng Demokrasya. (Tumutugon sa Pampolitika)
ni Jimson Buenaobra


Isang magandang Araw sa inyong lahat!

Tumatayo ako sa inyong harapan bilang isang politikong nangangampanya, at katulad nyo rin nais kong bigyang kahulugan ang inyong puso, isip at maging ang inyong mga gutom na sikmura kung ano nga ba talaga ang totoong kahulugan ng demokrasya.

Ang bansang Pilipinas ng mga Pilipino ay nasa anyong demokratiko, kadalasan nga na ang salitang mas malapit ikabit sa salitang demokrasya ay ang salitang “Malaya”.
Ngunit isa itong kasinungalingan! kahit kaila’y hindi Malaya ang sikmurang gutom. Nagiging Mendiola ang sikmura ng taong gutom at  nais magprotesta para sa kanilang isasaing, para lamnan o itawid sa gutom ang kanilang pamilya o sarili.

Ang Pilipinas, gayun narin sa buong mundo ay hindi iba-iba ang pampolitikong uri, nag iisa lamang ito at ito ang Oligarkiya. Mga kababayan,ang Oligarkiya ay isang pamahalaang ang mayayaman lang ang nagtatamasa ng lahat ng luho at kapakinabangan ng bansa samantalang ang mga mahirap ay patuloy na nalulubog sa lupa at namamatay bilang isang mahirap, at kasalanan ang mamatay ng mahirap.

Katulad nyo ay nais ko ring mabago ang inuuod na politika ng bansa, ang mayayaman ay patuloy na yumayaman dahil sa kanilang kasuwapangan sa biyaya ng kalikasan. at ang demokrasya ay patuloy na natutuyo sa mata ng marami.

Nasa boto nyo ang pagbabago, ako bilang isang politikong tapat; narito ako para baklasin ang paghihiwalay ng mayaman sa mahirap at lusawin ang rehas na nagpipilit sumabog sa inyong mga sikmura. Nasa isang boto nyo ang asenso natin at hindi kailanman ako tatalikod sa aking mga pangako, susulusyunan ko ang kahirapan at bibigyan ng bagong kahulugan ng asenso at demokrasya.

Maraming salamat sa inyong lahat!

Ang laban na ito ay laban ng mahirap, para sa mahirap, para sa kalayaan ng mahihirap.!

Mabuhay tayong mga Pilipino!


Ang sakit ng maraming Pilipino: Pangungutya ni Eardon Jan V. Reyes

   H'wag tayong mangutya mga kababayan, dahil hindi ito nakabubuti sa kapwa, pero bakit maraming mga Pilipino ang nasanay nang mangutya ng tao? bawat kilos, bawat galaw, bawat muestra may pumupuna, bakit nga ba ganoon? talaga nga bang nag-eenjoy tayo kapag nangungutya ng kapwa? o isa na itong sikolohiyang sakit ng mga Pilipino?


   Madalas akong makutya ng aking kapwa, minsan iniintindi ko na lang at ginagawang inspirasyon ngunit mas madalas na nasasaktan ako at nakabababa ng aking pagkatao, naalala ko tuloy noong kinunan ako ng litrato ng aking kaibigan at ito'y ipinaskil sa isang social networking site, mayroong ilang tao na walang puso na pumuna ng aking litrato at sinabing, " Ang pangit naman nito! " sabay " >.< ", sumama ang aking loob at simula noon hindi na ako mahilig magpakuha ng litrato.


   Mas lamang ang negatibong epekto sa tao dulot ng pangungutya, nawawalan kasi ng tiwala sa sarili ang isang indibidwal, at kung minsan pa ay nalilimitahan rin tayo ng kilos o galaw, nakasasama rin ito ng pakiramdam dahil kung minsan masakit ito kapag dinidibdib at ang masaklap dito ay nagkakaroon tayo ng sari-sariling mundo na kung saan hindi puwedeng magsama ang mayaman at mahirap, magaganda at hindi pinalad ng kagandahan, maputi't maitim, atbp.


   Depende sa tao kung papaano ito dadalhin, ang iba ay ginagawa na lamang itong inspirasyon upang mas lalong mapagtagumpayan ang kanilang kinabukasan at isa rin iyon sa mga paraan upang masupil ang pagkalugmok ng ating naghihikaos na damdamin, hindi man natin magagapi ang mga nangungutya, kahit man lang madaig ang salungat na winika sa atin ay mas nakabubuti na.


Piyesa ng Pangangampanya

Salin ni Ma. Lilia F. Realubit ng "PANAMBITAN" ni Myrna Prado




Bakit kaya dito sa mundong ibabaw 
Marami sa tao'y sa salapi silaw?
Kaya kung isa kang kapus-kapalaran,
Wala kang pag-asang makyat sa lipunan.


Mga mahihirap lalong nasasadlak,
Mga mayayaman lalong umuunlad,
Maykapangyarihan, hindi sumusulyap,
Mga utang-na-loob mula sa mahihirap.


Kung may mga taong sadyang nadarapa,
Sa halip na tulungan, tinutulak pa nga;
Buong lakas silang dinudusta-dusta
Upang itong hapdi'y lalong managana.


Nasaan, Diyos Ko, ang sinasabi Mo


Tao'y pantay-pantay sa balat ng mundo?
Kaming mga api ngayo'y naririto
Dinggin Mo, Poon ko, panambitang ito.
Talino o Diskarte? : Daan sa Pag-unlad 
ni. Rochelle Patubo

           Isang basehanm upang masabing produktibo ka ay kung nakapagtapos ka ng kolehiyo,
minsan panga pati kursong tinapos mo huhusgahan pa.

           Marahil karamihan ng mauunlad ng tao sa panahon ngayon ay masasbing matalino, pag may utak ka ikaw ay progresibo, gayun pa man masasabi nbang sapat na ito uapng mapaunlad ang buhay ng isang tao?

           Kung ating gagalugadin ang mundo ng mauunlad na tao, hindi ba't iba rito ay isang kaig, isang tuka rin ang buhay? gayun pa man hindi hinayaang makahadlang ang kahirapan sa buhay upang magtagumpay at umunlad, MADISKARTE. 

           Anong silbi ng diploma kung tutunganga at tatamad tamad ka, ang opurtunidad hindi yan kusang lalapit, kinakailangan natinf hanapin at panag hawakan ito.

           Ngunit hindi ko sinasabing huwag tayong mag-aral, isa ito sa mga tulay sa isang maginhawang buhay, isang pamanang di mananakaw nino man.

           Isa ito sa masasabi kong epektibong "FORMULA" ng pag-unlad, Talino + pagsusumikap = kasipagan at diskarte sa buhay - hina ng loob at katamaran = tiwala sa Diyos + maunlad na buhay.  

Miliminas: Taong 0069 ni Nilo Par Pamonag (BUOD)









ANG MILIMINAS, isang pangkat ng kapuluan na matatagpuan sa kagitnnan ng dagat Pasipiko bago pa man magkaroon ng isang malawakang pagbaha ng tubig. Miliminas rin ang tawag sa mga taong naninirahan sa mga kapuluan nito. Kawangis din ng mga ordinaryong tao ngayon ang mga itsura ng mga Miliminas. Ang pagkahuli nila sa sibilisasyon ang nagdulot sa kanilang magkaroon ng naiibang pag-uugali at pamamaraan ng salita at wika. Mik ang tawag sa kanilang pera at kalimitang tinatawag ang taong mayroong isang milyong Mik o humigit pa rito ay mikinaryo.


SA PAMAMARAAN NG PAGBIHIS ay mayroon din silang sinusunod na batas, isa sa mga kinikilala nilang pormal na kasuotan ay para sa mga kababaihan ay katumbas ng mga bathing suit natin ngayon at kamiseta o korto para sa mga kalalakihan.


ANG MGA KAKAIBANG BATAS NG MGA MILIMINAS ay ang mga sumusunod: Sa pamamaraan ng pagbibihis, hindi dapat mahaba ang kanilang mga damit. Sa pagsakay sa isang pampublikong sasakyan ipinapatupad dito ang Equality before the kilo na kung saan kung gaanong kabigat ang isang mamamayan ay ganito rin ang kaniyang ibabayad. Sa pamamaneho, bawal ang hindi nag o-over-speeding o ang hindi pagpapatakbo ng sasakyan ng matulin.


SA PAGBIBIGAY NAMAN NG SERBISYO SA MGA MAMAMAYAN, kalimitang nahahati ito sa tatlong pangkat: ang mayayaman, ang mga may kaya sa buhay at ang mahihirap. Sa pabibigay ng tubig ng Nawasdak may tatlong uri ng tubo, ang nilalabasan ng malinis na tubig, ang may maruming tubig at ang walang tubig. Habang sa kuryente naman na ibinibigay ng Palay Electric Company na kung san nahahati rin ang serbisyo sa tatlong uri. Una, ang light service na napapakinabangan lamang ng mga may pribilehiyo sa pamayanan, ikalawa, ang brown-out service na kung saan nagagamit lamang ito kung hindi kinakailangan at pangatlo ang black out service na may disenyo lamang ang mga kagamitan sapagkat hindi ito nagagamit.


SAMAKATUWID, KARAMIHAN SA KANILANG MGA BATAS ay kabalintunaan ng mga batas natin sa ngayon tulad ng pagbabawal sa paggamit ng mga genuine o tunay na produkto, ang lisensyadong baril ay ipinagbabawal, ang pagbebenta ng mga bazaar na iligal kaysa sa mga sidewalk na umuuukopa sa mga kuwarto-kuwarto.


SA PULITIKA NAMAN NOONG SA PANAHONG IYON, uso rin ang tinatawag na kickback na kung saan ang mga buwaya ng bansa ay sinisipa sa likod para sa bawat suhol na kanilang matatanggap at pinararangalan ang sinumang makapal na ang likod dahil sa mga sipang natanggap nito. Ang batasan nilang kilala sa tawag na Circus of Miliminas na kung saan nahahati ang batas para sa mga mayayaman at mahihirap. Ang mga malalaking transaksyon ng Miliminas ay kalimitan ring ginagawa sa ilalim ng puno – ang shady transaction. Isa pa rito ang matataas na mesa ng mga opisyal na kung saan ginagawa ang under the table tansactions upang hindi mauntog ang mga dumaraan dito. At marami pang iba.


RELIHIYOSO RIN NAMAN ANG MGA MILIMINAS, na kung saan ay may kinikilala silang tatlong panginoon – ang pera nilang mik, ang buwaya at si Santasa na maihahalintulad natin kay Satanas nagyon.


SA PAGKAKAROON NG ELEKSYON hindi natatakot ang sinuman na mamatay o pumatay. Sa katunayan ang sinumang may mas maraming napatay ay ang siyang nananalo rito. Tuwing ikalawang taon ginaganap ang eleksyon dito sa Miliminas, kung gayon ay mabilis maubos ang populasyon nito. Dahil dito, naimbento ng isang henyo ang isang tableta na iinumin ng mag-asawa upang magkaroon sila ng anak at mailuwal ito sa loob lamang ng dalawampu’t apat na oras, ito’y tinawag na instant baby.


ISANG KARANGALAN ANG GUMAWA NG KABUTIHAN SA MILIMINAS na kung saan ang mabuti ay mas kilala natin bilang masama para sa ating pananaw. Tulad ito ng mga kickback artist, mga mayayamang mapang-api sa mahihirap, mga tiwaling opisyal, mga magnanakaw at marami pang iba. Na sa kabilang dako ay ang sinumang gumagawa ng marangal at mabuti [ayon sa ating pananaw] ay ang siya pang nahihiya at ipinagkukubli ang mga ito.


DUMATING RIN SA KANILA ANG PANAHON na kung saan ang mga kabataang may malawak na pag-iisip ay tumawag ng isang pagpupulong upang iparating ang mga pagbabagong nais silang isagaw. Subalit sila’y pinagtawanan at kinutya. Ngunit ng lumaon, dumarami ang mga dumadalo rito kung kaya’t ipinagbawal ng pamahalaan ng Miliminas ang pagpupulong at tinawag silang mga dungis ng lipunan.Ngunit nakuha ng mga kabataan ang simpatiya ng mga mahihirap kaya nagsiklab ang isang rebolusyon na lumaganap sa buong kapuluan ng Miliminas.


ISANG PARUSA ANG NAGMULA SA KANILANG DIYOS NA SI SANTASA, isang dakilang pagbaha at paglindol ang kanilang naranasan at ito’y nagdulot sa pagputok ng isa sa mga malalaking bulkan sa kalaliman ng Miliminas na nagdulot ng paglaho ng Miliminas sa sansinukuban.

Isang pag-aaral ng Agham: Class Struggle ni Eardon Jan V. Reyes

Isang pinagpalang araw sainyong lahat, kamag-aral at sa ating dalubguro, Ako po si Eardon Jan V. Reyes upang magbahagi ng isang talumpati ..

 .. Class Struggle, nagtataka ako kung bakit nga ba nalikha ang salitang ito, naalala ko tuloy ang winika ni Dr. Jose Rizal na "Kung walang magpapaapi, walang mang-aapi", nagkataon nga lang na may taong sadyang mahihina ang loob at mabilis magpadala sa mga negatibong sinasabi ng ibang tao.

    Nakalulungkot isipin na mismong sa ating bayan ay nasasaksihan ko ang masalumuot na pang-aalipusta ng ating mga kababayan sa kapwa natin kababayan, marahil ito na rin ang dahilan kung bakit sa matagal na panahon ay nananatili parin sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong " POVERTY " at patuloy parin ang pananalasa nito sa atin.

   Oo, sisihin natin ang class struggle kasi kung sisisihin natin ang mga buwaya sa gobyerno at ang mga walang pusong mayayaman na patuloy na binabagsak ang ekonomiya ng Pilipinas, wala tayong mapapala, dahil hindi naman nila tayo pakikinggan, subalit kahit hindi nila tayo pakinggan eh, amoy na amoy parin naman ang mga baho nila, isang patunay nito ay ang " Corrupt voting system " na naganap sa ating bansa, gumagawa sila ng pandaraya upang manatili sila sa puwesto at patuloy nilang ginagawang alipin ang ating bansa, tuloy ngayon lumalawak ang malnutrisyon sa Pilipinas sabayan mo pa ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, talagang apektado ang lahat ng mamamayan, nakikinabang lang ang may ari ng kompanya ng langis.

   Malala na talaga ang sitwasyon sa Perlas ng Silangan, Marami pa akong nasaksihan sa ating bayan, sa katunayan nakikita ko rin ito sa lansangan, pampublikong lugar, mula sa mga batang naglalaro sa kalsada hanggang sa matatandang nirarayuma, mula sa simpleng mamamayan hanggang sa matataas ang katayuan sa bansa, maging sa mga social networking sites nagaganap rin ito at ako man ay kabilang sa mga naaalipusta at nang-aalipusta at hindi ko ito ikinakaila, kaya nga nabuo ang isang konsepto sa aking isipan na ang ibig sabihin ng "Class Struggle ay Science kasi, everything that we can see in our naked eye is Science."


Piyesa ng Talumpating Pang-Ispiker

Simple sa maporma

Ni Marry Rose Losbaños


Maong jeans , t-shirt, rubber shoes, flats o kaya naman ay tsinelas, ganito ang pormahan ng mga simpleng kabataan ngayon. Wala masyadong arte, wala masyadong kolorete at higit sa lahat walng halong pagkukunwari hindi sila takaw atensyon , kumbaga sila yung mga taong mas gustong maging sila. Sa kabilang banda naman ay yung mga “pa-pogi/ganda” na tipong akala mo parating may okasyon na pupuntahan. Bongga kung manumit, at minsan akala mo Christmas tree na sa sobrang dami ng borloloy sa katawan. Hindi ko sila binabatikos ,wala rin naman akong sinasabi na masama ang kanilang ginagawa. Maaari rin naman kasing ganoon talaga sila di ba? Ngunit ano nga ba ang nagiging epekto nito sa pangaraw-araw nating gawain ? paano nito naaapektuhan ang pag-iisip na mga kabataan sa aspetong pakikisalamuha nila sa iba? Malaking isyu nga ba itong maituturing ?
                likas na sa ating mga Pilipino, ang paggiging mapuna sa kahit anong bagay na umaagaw sa ating atensyon. Sa mga Gawain, pagkain, itsura, maging sa pananamit ng bawat isa. Para kasi sa ilan, malaki ang epekto ng paggiging maporma sa kung paano sila tatanggapin ng iba.
                Maging sa paghahanap ng trabaho, malaking bagay na maituturing ang pananamit . may ilan pa ngang nagrerequired pa ng kung ano lamang ang dapat na suotin sa pag-aaplay ng trabaho.
                Dahil na rin sa colonial mentality iniisip nating mas angat ang mga taong nakakapagbihis ng mga branded ika nga  na mga damit.
                Maski sa panliligaw, isang aspeto para sa mga kakababaihan ang porma ng kanilang mga manliligaw. May ilan na mas gusto ang mga lalaking mapoporma o yung “maipanrarampa” ika nga nila, habang ang iba naman ay tinitingnan ang kabutihang loob kaysa sa panlabas na anyo .
                Hindi man ganoon kalaking isyu para sa ilan pero di maitatanggi na maging sa ating pananamit ay maaari tayong mahusgahan. Bagamat ang bawat isa ay may kalayaan sa pagpapahayag sa kung ano ang nais nila para sa kanilang sarili, dapat pa din isaalang-alang ang mga matang nakapaligid. Maaari kasing maging dahilan ito ng pagtanggap o pagtanggi sa atin ng ilang mapanghusgang mga mata na mas  hinuhusgahan tayo sa panlabas na anyo.
                 Hindi naman talaga mahalaga kung ikaw ay maporma o hindi , para sa akin ang importante maging totoo tayo sa ating sarili  at wag tayong trying hard  ika nga .
                

Anyong panlabas: Sukatan nga ba ng tunay na pagkatao? (tumutugon sa Seminar) ni Jimson Buenaobra


Anyong panlabas: Sukatan nga ba ng tunay na pagkatao? (tumutugon sa Seminar)
ni Jimson Buenaobra

Magandang araw mga kapatid kong kawangis ng Lumikha, ang araw na ito ay isang biyaya dahil magbabahagi ako ng aking karanasan kung bakit ako naging gwapo sa gitna ng bulong-bulungan na ako raw ay isang pangit.
nais kong simulan ang bagay na ito sa isang quote ni Martin Luther King Jr. sabi niya : “I have a dream that my four little children will one day live in a nation where they will not be judged by the color of their skin but by the content of their character.”

Tayo nga raw ay totoong kawangis ng Diyos, at hindi ito ang basehan ng pagtatag ng isang nasyon, Naniniwala rin ako sa sinabi ni Anthony J. D’Angelo na “If you believe that discrimination exists, it will.” nasa tao ang lahat ng bagay, Oo nga naman, kung hindi nga natin sisitahin, aalipustahin o bibigyan ng limitasyon ang pakikipag socialize ng tao, hindi ito magiging Malaya at siya ay magiging bilanggo ng sariling niyang mundo hangga’t hindi nawawala ang diskriminasyon sa lipunan.

Kadalasan kulay at hitsura ang nagiging aysolasyon ng magkakauri, ang maganda sa maganda, ang pangit sa pangit ang maitim sa maitim ang bobo sa bobo. nakalulungkot isipin na sa isang bansang katulad ng Pilipinas, pilit na nabubuo ang pag sesegregate ika nga ng marami, at kung mas palalawakin ko pa ang aking diskusyon, marami ring isyu ang may ganitong halimbawa hindi lang sa bansa natin.

Sino nga bang hindi umiyak nung lumabas sa libro ang “ The Diary of Anne Frank” na biktima ng Holocaust sa Europa? ang labanan ng uri laban sa lipunan ng mga Hudyo, ang “ Caste System” sa India na siyang balangkas ng lipunan, at ang sikat na “Apartheid” sa South Africa, ayon sa Wikipedia, ito ang ibig sabihin ng apartheid:   a system of legal racial segregation enforced by the National Party governments of South Africa between 1948 and 1994, under which the rights of the majority 'non-white' inhabitants of South Africa were curtailed and white supremacy and minority rule by Afrikaners was maintained.

At dahil katulad kong mga takapakinig, bilang isang pango at kilalang Juan de la Cruz, alam kong marami sa inyo ang biktima ng aysolasyon, siguro nga kinonsinti ng media ang pagkaka uri-uri ng lipunan, syempre naman hindi na maikakaila na lumabas at pumatok sa telebisyon ang pagiging api ng pangit sa palabas, nariyan ang bakekang na malamang ay paulit-ulit nating  pinagtatawanan, ang drama serye ng ulikba at blusang itim, hindi nga ba’t tama ako sa aking tindig? at bakit hindi? media nga raw kasi ang salamin at pinaka maimpluwenysang elemento sa lipunan, isa akong buhay na patotoo sa inyong harapan, noong bata ako tinatawag nilang “Kirara” ang maitim kong kaklase,katatapos lang kasi nun ng palabas na “Kirara” sa telebisyon.

Sa palagay nyo mga kapatid, kailan matatapos ang diskriminasyon sa lipunan? Bukas? Mamaya? sa Lunes? nasa atin ang pagbabago ng lipunan, at ang panahon ay hindi tiyak kung kalianmababakunahan ang epidemya ng panghuhusga, naniniwala ako na pagsinimulan mong maging api, para mo naring kinulong ang sarili mo sa daigdig, pero kong sinimulan mong tanggapin kung sino ka at hindi ka nagpapatinag sa sinasabi nila, para ka na ring lumaya sa iyong selda, ang pagbabago ng lipunan ay nasa sa atin, hindi dapat tayo mawalan ng pag asa dahil pangit o maitim tayo, dahil ang turo ng bibliya sa atin, nasa loob ng dibdib ang tunay na kagandahan.

Nagpapasalamat nga ako kay Phil Collins at MYMP, dahil sa kanta nilang “True Colors” ay unti-unting nagbabago ang pananaw ng biktima sa lipunan, Mga kapatid ko, salamat sa inyong pakikinig. Harapin ang mundo gamit ang inyong kagandahang loob at hindi ang panlabas na kaanyuan. Muli, isang Mapagpalang araw at Maraming salamat!

Sabi mo akin ka lang?

Ni Marry Rose Losbaños


Minsan sinabi mo ako’y iyong mahal
Labis ang saya ko ikaw ang lagi kong dasal
Minamahal kita kahit na may iba kang mahal
Nasa aking panaginip hiling ko sana’y magtagal

Ngunit anong nangyari tila ba din a tulad ng dati?
Mga problema’t  sikreto mo di na sa akin sinasabi
Nahati na ang oras mo’t wala na sa akin tinabi
Ang dati na sa akin iba na ang may-ari

Ibinigay ko na ang lahat, bakit di parin sapat?
Para sayo ba’y nagin salat? Ako namay nagging tapat.
Pinakaingat-ingatan ka’t ibinigay sayo lahat
Bakit ganon aking mahal sa puso mo’y sino dapat?

Bakit ikaw?

Ni Marry Rose Losbaños

Ano nga bang mayron sayo?
Bakit ako nagkakaganito?
Lagi naman akong tapat sa kanya
Ngunit bakit kalimutan ka’y di ko kaya?

Heto nga’t gumawa pa ng tula para sayo
Mga nararamdamay idadaan na lang ditto
Pagpapahalaga lang naman ang hinihiling ko
Dahil kuntento naman na’ko sa kung anung
Meron tayo

Kasalanan nga bang makasama ka?
Mali na nga bang mahalin kita?
Hindi ko naman pinlano toh.
Ayaw ko din naming papiliin niya ako

Siguro nga di ko na alam
Mga sakit na dala mo’y di ko na ramdam
Mahal ko siya at siya lang ang nais makasama
Pero bakit ganito sa isip ko’y di ka mawala-wala?

Langya! Ano bang pinakita mo?
Nang  makilala ka’y nagkaganito na ang puso ko?
Kung pwede lang sanang di kana makita
Para puso’t isip ko’y di kana makita

Paano pala kung ako’y nagkukunwari lang?
Nang sabihan ko sayong ikaw lang?
Paano kung lahat ng ito’y di totoo
Paano kung hindi pala talaga pag-ibig toh?

Ako kaya’y mapapatawad pa?
Kung sabihin ko sayong ayoko na
Dahil nahihirapan ng magkunwari
Minsan di ko na kilala ang sarili.


Ang Buong PAmilyaNALANGIN

NI GRACE JOY MADRONIO





" A FAMILY THAT PRAYS TOGETHER,
STAYS TOGETHER."            .


      Si mama, si papa, ako at ang tatlo ko pang puro babae na kapatid. Ako, bilang panganay saksi ako sa mga  napagdaanan ng aming pamilya. Ang bawat saya , lungkot, iyak at pagaaway ay alam kong lahat. Ang pamilya namin hindi man perpekto ay masaya namang naglilingkod kay Cristo. Isang kahig, isang tuka kami noon pero salamat sa Panginoon ay umahon-ahon na kami ngayon. Iba't-ibang pagsubok ang aming dinanas at sa pagkakataong yun ay dun ko nakita ang pagkakaiba ng buong pamilyang nananalangin kesa sa pamilyang walang panalangin.

       Maraming pamilya ang watak-watak at patuloy na nasisira. Mga pamilya na magulo at tila walang katahimikan. May mga pamilya namang sobrang ingay sa puro away, mga pamilya na hindi yata alam ang salitang " bigayan" at marami pang iba. Kadalasan, yan ang pamilyang walang panalangin o hindi sila nagkakaisa sa panalangin. Ito rin ang isa sa mga sanhi kung bakit maraming kabataan ang napapariwara sa panahon natin ngayon. Nag sisimula ang lahat sa pamilya, kaya mahirap talaga pagwalang Diyos na pinananalanginan at nananampalataya sa totoong Diyos. Kadalasan kasi ang sinasamba na ng mga tao ay pera, mga ribulto, mga kahoy, mga manika na sila lang rin ang gumawa at kung ano-ano pa.

           Ang pamilyang nananalangin ng sama-sama ay sama-sama ding pinagtatagumpayan ang iba't-ibang pagsubok ng buhay. Nananatiling masaya sa kabila ng kahirapan. Hindi nagaaway-away, bagkus ay nagtutulungan at nagdadamayan. Ito ang pamilyang may Cristo sa puso. Patuloy na pinagiisa pamilya ng pagibig nila sa bawat isa at ng pag-ibig ng Diyos para sa kanila. Ano mang bagyo ang suungin, kasing lawak man ng dagat ang problemang haharapin, alam nilang ito'y kakayanin pagkat buo silang pamilyang nananalangin.
Kina ganda mo yan! ni. Rochelle Patubo


Maamo ang mukha
ngiting mala tupa,
ngunit ugali ay kaysama
parang anghel kung titignan
gandang mapanlinglang


Pang-uyam sa kapwa ay hindi tama
sabihin mang nakalalamang ka
taglay mo ma'y bigay din ng maylikha
ang mata ay nilikha
hindi upang mang dusta ng kapwa,


Beauty is in the eye of the beholder
ika nga nila
What is beauty if masama ang ugali
sabi naman ng iba
kita mo ang deperensya?


Mula sa malikhaing kamay ng Ama
tao ay nilikhang iba iba
gayun pa man siya lang din ang maghuhusga
bawat tao ay pantay sa kanyang mga mata,
maganda ka! likaha ka Niya.


Minsan di na matanto
ang basehan ng bawat tao
gandang taglay ng panlabas ng anyo
o busilak na kalooban at pagkatao
ano nga ba sa tingin mo?

Ang katawan ko’y Pang-modelo (Talumpati) ni Jerold Noble Dramayo

             Madalas na nagiging suliranin ng ilan ang kanilang panlabas na anyo. Sa kung ano ang meron sila sa kanilang itsura, na nagiging dahilan ng insikyuridad ng isang tao. Ang ganitong mga personal na problema ay nagiging mas malalalim sa kung papaanong sila ay tinitignan ng lipunang kanilang kinabibiblangan. Ang diskriminasyong nararanasan nila ang patuloy na nagpapababa pa sa kanilang tiwala sa sarili.
           
            Ang simpleng pagtawag ng baboy, elepante, dambuhala, balyena at iba pang mga malalaking hayop o bagay man na ginagawang kataga sa mga matataba ay tunay na diskriminasyon. Tulad din sa pagtawag ng malnourished, bangkay, tingting, at kung anu pang maaaring itawag sa mga taong sobra ang payat.

            Hindi madaling gumising araw-araw, para sa nakarararanas ng diskriminasyon. Sila yaong halos saktan ang kanilang sarili, minsan pa’y umaabot sa pagpapakamatay dahil hindi matanggap ang kanilang pagkatao.

            Bakit ba hindi nalang natin tanggapin kung ano ang meron tayo, mahalin kung ano ang ibinigay ng Diyos sa iyo. Dahil maaaring ikaw mismo ang siyang hindi may gusto, kaya’t gayun din ang ang iyong kapwa sa iyo. Maging positibo sa lahat ng bagay, isipin ang kabilang banda buhay. Kung hindi ka man perpekto, ang Diyos ay may itutumbas dito.

ANG LINGKOD KO'Y ASO at DI PUSA



NI GRACE JOY MADRONIO








    Ako'y si Bayan isang matapat na mamamayan. Nagsusumikap at buong tiyagang inaahon sa hirap ang pamilya. Taon-taon binibigyan ako ng pagkakataon na makapili ng maglilingkod sa bayan. Isang tagapaglingkod na buong lakas at tapat na ibibigay ang lahat para sa bayang pinangakuan. 


    Ang hanap kong lingkod ay ASO at di PUSA.


    Isang aso, dahil alam nito kung sino ang totoo nitong amo. Ang bayan. ang nagsisilbing amo nito, tawagin man ng ibang tao babalik pa rin ito sa kanyang amo. Ganyan din naman ang pusa bumabalik sa kanyang amo, kaya nga lang, iba-iba ang kanyang amo dahil kung sino ang nagpapakain sa kanya ng mas madami at mas masarap, lagi nya itong babalik-balikan at tinuturing na amo. Hindi ba't parang mga lingkod ng bayan, na kung sino ang nagbibigay sa kanila ng mas malaki doon sila sumusunod.


    Aso ang lingkod ko dahil pagtinawag ko ang kanyang pangalan tiyak na siya'y lalapit at buong galak na parang sinasabi "Ano po ang mapaglilingkod ko?" parang yung gusto kong iboto, yung tipong pagdumaing ako sa kanya, handa syang tumulong. Hindi parang pusa na kailangan panglambingin para lumapit. Kung minsan naman ay susungitan ka pa na para bang walang narinig.


    Ayoko ng lingkod na pusa pagkat pagwala ka nang maipakain bigla na lang silang mawawala. Mas mabuti pa rin ang aso sapagkat sa hirap at ginhawa ika'y sasamahan. Lamang pa rin ang aso sa paglilingkod dahil pag may nanakit sa akin sa harap nya alam kong ipagtatanggol niya ako, di gaya ng pusa na walang pakialam kahit patayin mo pa ako sa harap niya. Pansinin mo lalambingin ka lang ng pusa at magpapaikt-ikot sa paa paggutom na sila. Isa yan sa ayaw kong lingkod ng bayan yung pag may kailangan lang sayo saka lang lalambing-lambing.


    May libro nga akong nabasa na ang sabi ng pusa, "pinapakain mo ako at inaalagaan siguro ako ang boss." sabi naman ng Aso, "pinapakain mo ako at inaalagaan siguro ikaw ang boss ko." Ang totoong lingkod ng bayan ay yaong tapat at di ka pababayaan, kaya ako si Bayan at ang lingkod ko'y Aso at di Pusa.

ANG WIKA KO AY FILIPINO: Pangmadla Ito

Ni: Jessa Faith Togonon

Nang mapunta ako sa kursong AB Filipinology, hindi ko alam kung ako ay makakaraos dito kahit isang semester. Sa totoo lang, nahihirapan ako sa mga unang lingo ng kursong ito. Pumasok na sa isip ko ang magpalit ng kurso o di kaya ay sumama sa aktibista upang mapagpalit ng kurso. Ngunit lahat ng iyon ay hindi nangyari. Sa loob ng halos isang buwan ay nagawa kong mahalin ang aking kurso gayundin ang wikang Filipino.

Wikang Filipino, sabi nila ito daw ay pangmahirap at sa mayayaman naman ay Ingles. Isang bagay ito na lalong nagpapalaki ng agwat sa mga mahhihirap at mayayaman. Kailangan ba talagang magkaroon ng basehan kung ano ang estado mo sa lipunan at maging kapuri-puri ka kahit sariling wika mo na ang naaapi?

 Nang dahil sa kurong Filipino ay natuto akong magmahal ng lubusan ng sariling wika, nang dahil sa kurso ay hindi ko ginawang batayan ang paggamit ng wika bilang paraan kung paano malalaman ang estado sa buhay. Mas mahalagang matutunan mo muna ang sarili mong wika bago ang banyagang wika. Ang paggamit ng ingles ay hindi simbolo na ikaw ay matalino at nakalalamang na. Nakakapag-ingles ka nga pero ang istruktura naman nito ay barok.

 Filipino, Ingles marapat ay magkaisa. Ang wika ko ay Filipino, pangmadla ito.
 

Ang boses ng tahimik, at ang maingay na nananahimik! ( Sanaysay na naka-adres sa klase) Ni Jerold Noble Dramayo


Tila isang ordinaryong katangian na nga ata ng isang silid-aralan ang pagkakahawig sa isang merkadong saksakan ng ingay. Tawanan sa likuran, kwentuhan sa harapan, batuhan sa kaliwa’t kanan, may klase o wala man.

            Sabi nga ng ilan sa mga guro’t propesor, na sana ang lakas ng boses ng mga estudyante pagdating sa kwentuhan at tawanan ay gamitin na lamang sa pagsagot sa klase na mas may kabuluhan. Ngunit dahil sa hindi naman lahat ng mga estudyante sa loob ng kwarto ay sa pag-iingay lamang magaling, mayroon din mga naka-upo lang sa tabi at magsasalita lamang kung kakailanganin. Kaya’t madalas  na ikinukumpara ang dalawa, yaong magaling lang sa ingay ngunit sa klase ay nangangamote, kumpara sa mga nananahimik lang ngunit sa mga tanong sa iskwela mas sumasagot ng mabuti.
           
            Sa ika-apat na palapag ng isa sa mga prehisteryosong unibersidad sa Pilipinas, matatagpuan ang isang makabasag-pinggan sa katahimikang kwarto – ang W-405. Ngunit syempre isa lamang iyong biro ika nga. Dahil sa isa lamang ang kwartong iyon sa mga maiingay na klase sa buong unibersidad bukod sa ingay na mula sa mga naka-mikroponong mga aktibistang araw-araw na bumubulahaw sa lahat. Oo, ang mga mag-aaral ng ABF 2-1 ang siyang residente ng W-405.

            Sa mga klaseng ginaganap sa kwartong iyon, dalawang mukha ng estudyante lamang  ang maaaring mapansin. Yaong mga madalas na mag-kwentuhan ngunit kung sa klase ay tatanungin, magkakamot lang ng ulo at wala ring sasagutin, at yaong ibang nananahimik ngunit di hamak na mas magaling.

            Ngunit hindi ibig sabihin na kung ikaw ay maingay sa klase, ikaw yaong walang alam palagi. At kung ikaw naman ang tahimik lamang sa tabi, ikaw yaong mas tama at nangunguna pagdating sa klase. Pagkat minsan baliktad ang ating mga pinaniniwalaan,  minsan iba pala yaong ating inaasahan.

MAGING UBAS WAG PASAS

   NI GRACE JOY MADRONIO




 Ang pag-aaral ay maitutulad sa pagtatanim, ang mga guro ang nagsisilbing taga-tanim at ang mga mga mag-aaral ang  bungang aanihin sa pagtatanim, ang anihan ay may eksaktong panahon, upang ang mga aanihin ay maging sariwa, hindi Over Ripe at hindi din naman hilaw. Sa proseso naman ng pag-aaral walng ibang hinihintay at hinahangad ang mga guro at magulang kundi ang makita ang mga mag-aaral na nakakapagtapos ng kanilang propesyong pinili.


    Bilang isang estudyante, may hihilingin sana ako sa aking kapwa mag-aaral na nawa'y tayo ay maging ubas at di pasas.

    Ang ubas ay yaong mga mag-aaral na sariwa pa rin sa kanilang mga isipan ang lahat ng mga itinanim na kaalaman ng mga guro at magulang. Ang pasas ay ang mga mag-aaral na mabilis natuyo ang kanilang mga utak, na para bang sa isang iglap ay nawala ang lahat ng natutunan.

    Tayo ay ubas at di pasas. Ubas, dahil sa pagkagat sa atin ng mga kompanya ay may sustansya silang makukuha. Ang sipag ang nagsisilbing tamis, ang pagiging tapat ang siyang katakamtakam na kulay at ang karunungang taglay ang sustansyang tiyak na mapakikinabangan ng ating mapagtatrabahuan. Hindi tayo tulad ng mga pasas na mag-aaral na napapakinabangan nga ngunit di kasing sarap tulad ng matagumpay na mag-aaral.

    Sikaping maging ubas wag pasas, upang hindi masayang ang lahat ng pinaghihirap. Matagal na panaho tayong hinintayu upang magbunga, kaya't marapat lang na isang sariwang ubas ang ating ialay sa mga magulang na nagtiyaga at kaytagal na naghintay, upang makita tayong matagumpay.

TAKIP TENGA, TAKIP MATA : HUSTISYA KUNO


ni : Jessa Faith C. Togonon

All serial killers want to win. They choose victims they can kill successfully.
-Pat Brown 

 "Flor de mayor" sikat na sikat ang apelyidong ito sa aming nayon. Halos sampung taon na kasing nanunungkulan ang pamilyang ito bilang Mayor, gobernador at kung ano pang sangay sa pulitika. Halos sampung taon na ring uhaw sahustisya ang mga mamamayan dito dahil kung sino ang magkakamaling bumangga ay tiyak na mapapaslang. 
Halos sampung taon na rin na walang pagbabago sa aming nayon kumapara sa bahay nilang dati isang palapag lang noon, ngayon ay di magkamayaw sa sobrang taas. Mayroon na rin silang koleksyon ng mga sasakyan dahil lahat na ata ng bagong model ng mercedez benz ay mayroon sila. Sampung taon na pagkukunwari at nakakubli sa takot ang mga mamamayan roon at kung may karumaldumal mang insidente ang nangyayari ay nakatakip lamang ang mga bibig ng lahat ng tao. Walang gustong magsalita, walang gustong makialam, dahil alam nilang iyon ang ikatatapos ng kanilang buhay. 

Mahirap na nga, lalo pang humirap. Ito ang ga bagay sa amin na kailanman ay hindi na nagbago. Kung noon ay nag-uulam sila ng tig-isang pirasong tuyo, pagkalipas ng sampung taon ay iyo pa rin. Kulang na lang ay magkaroon ang bawat isa ng sakit sa kidney dahil dito. Kalsada'y lubak-lubak at ang mga daanan ay halos di maaninag pagkagat ng dilim dahil sa wala man lang kahit isang poste ng ilaw. Ngunit sa pamamahay ng Flor de mayor ay nagmumura sa kaliwanagan ang kanilang mansyon at tila wala ng bukas kung magpailaw ng buong bahay. Halos gabi-gabi rin nagkakaroon ng ksiyahan ang buong pamilya at tila ang kahirapan pa sa buong nayon ang kanilang ipinagkakasiyahan.

 Nang gabi ding iyon ay sunod-sunod na putok ang narinig ng ibang kabaro na di kalayuan sa pamamahay ng Flor de mayor. Putok na baril ! Oo, iyon nga umalingawngaw sa katahimikan ng gabi. Kinabukasan ay halos limang katao ang natagpuang patay sa bakanteng lote ng Flor de mayor. Ang totoo nyan, mga tauhan ito nila mayor na hindi na maatim ang kalapastanganang ginagawa sa ibang tao. Walang awang tinadtad ng bala ang kaawa-awa nilang katawan, guhit ng latigo sa likod na tila pinahirapan muna ng lubusan bago tuluyang paslangin.

Hanggang ngayon ay duwag pa rin ang buong nayon at walang gustong pag-usapan ang bagay na ito. Takip tenga kahit na mayroon ng naririnig at takip mata kahit na mayroon ng nakikita.Mapang-api, mapaniil, ito ang mga bagay na perpekto sa kanilang pagkatao. Walang mayaw na pagapatay at pagpaslang sa mga mahihirap dahil alam nilang ang kapangyarihan ay taglay nila.

NATURAL o ARTIPISYAL

NI GRACE JOY MADRONIO




      Sa panahon ngayon bihira na tayong makakita ng mga natural na bagay, kadalasan puro artipisyal nalang ang lahat. Mula sa katawan ng tao hanggang sa paligid nito, puro artipisyal nalang. Pansinin natin ang ilan sa mga bagay na nilikha ng Diyos na pilit binabago at pinapantayan ng tao.


     Ang mga pagkain noon una ay purong natural mula sa sangkap hanggang sa pagkakainan. Sariwang-sariwa mula sa taniman. Lahat ng ito ay mula sa Maykapal  kaya bukod sa masarap ay siguradong masustansya pa. Ngunit tila nag-iba ang panlasa ng mga nilalang, ang dating mga sariwa mula sa taniman na sangkap ngayo'y sariwa mula sa pabrika na ang hanap. Oo, tiyak nga raw na ang lasa nito'y parang sa sariwa at mas pinsarap pa raw ang lasa, ngunit ang tanong diyan ay sigurado bang masustansya?


     Isang araw nang ako'y naglakad-lakad sa loob ng aming subdibisyon, nakuha ang aking pansin ng mga naggagandahang kulay ng mga bulaklak sa labas ng isang marangyang tahanan. Mga ilang ulit ko itong binalik-balikan sa tuwing ako'y namamasyal. Ngunit napansin ko na sa paglipas ng panahon tila hindi nagbabago ang anyo ng bulaklak maliban lang sa pakupas na nitong kulay. Kaya naman pala, peke pala ang bulaklak. Kuhang-kuha nito ang orihinal na hugis at kulay ng totoong halaman ngunit hindi nito napantayan ang bango ng tunay na bulaklak. Ang halaman na ang akala ko'y nakatutulong sa paglinis ng hangin, yun pala'y isang dagdag na basura sa mundong punong-puno ng hinaing.


     Saang dako man ako pumaroon, naglipana ang mga gwapo at magaganda sa paligid. Hanga talaga ako sa akala kong angking kagandahan na kanilang taglay, ngunit nagbago ang lahat ng malaman kong artipisyal lang pala ang katawan. Ang akala kong maganda ang katawan ng babae yun pala'y isang ibinago lang na katawan ng lalaki. Ang akala kong gwapong lalaki yun pala'y isang babae naa pilit iniipit ang dibdib. Kuhang-kuha man nila ang katawang gusto nila ngunit di nito mababago ang tunay nilang pagkatao.


     Madami ng modernong bagay ang nauuso sa panahon natin ngayon. May mga pekeng hayop na gumagalaw at parang himihinga din tulad ng totoong hayop. Mga artipisyal na puno, artipisyal na lawa at marami pang iba. Gumawa na din ang tao ng mga artipisyal na tao, ang robot. Kumikilos sila na parang sa tao. Maganda at kaaliw-aliw nga silang pagmasdan, ngunit di dapat kaligtaan ang tunay nitong kaanyuan. 


     Kung dadakot man ako ng alabok at akin 'tong hihipan, lilipad ito at maaaring madumihan lang ako. Pero nang hinipan o hiningahan ng Diyos ang alabok, nagkaroon ito ng buhay, isang taong may pag-iisip, may damdamin at may pangarap na nais abutin. Ano mang pilit nating mga tao hindi mapapantayan ang mga artipisyal nating mga gawa ang natural na likha ng Diyos.