Sabado, Oktubre 8, 2011

"Isang Pag-amin" (malayang sanaysay) ni: Janella Mae Cadiente


Isa akong rapist.
Hindi ko sinasadya, maalindog siya at nakatutukso. Sariwang sariwa pa siya ng mga panahon na iyon. Lahat ng makakakita sa kaniya ay tunay na nahahalina, kasalanan ko ba na ako’y mahina? Dala lamang ang lahat ng aking pangangailangan. Kung hindi siya ay sino?
                Inaaamin ko ang pagiging mapusok ko, tao lamang ako at hindi ko kaagad na isip ang lahat ng kahihinantan ng kapusukan ko. Mahina ako dahil hindi ko napigilan ang sarili ko  at binaboy ko siya. Alam kong masama na nga ang tingin ng lahat sa akin. Hindi ko sinasadya ang lahat.
                Hanggang ngayon ay inuusig ako ng aking konsensya, hindi siya matagalan ng aking mga mata dahil sa tuwing nakikita ko ang bangkay nya ay bumabalik sa alaala ko ang lahat. Hindi ko na maibabalik ang dati nyang ganda, hindi ko na maibabalik ang alindog nya. Nagsisisi ako.
                Tatanggapin ko ang lahat ng parusa, tatanggapin ko kung ano man ang maging kapalit. Sana ay hindi pa huli upang ako'y makabawi . pangakong hindi na ito mauulit. Hindi na ako kailan man muli mananamantala. Hindi ko na kailan man muling gagahasain si inang kalikasan.

"Hindi Mo Mapuputol ang Ugnayan?" (speaker) ni: Janella Mae Cadiente


                Magkakadugtong ang bawat pangyayari sa mundo. Kung hindi maingay yung kapit-bahay nyo kagabi ay nakatulog ka ng maaga at hindi ka mahuhuli ng gising at hindi mo na kailangan pang agawan ng upuan sa jeep yung babaeng papasok sa trabaho  edi sana hindi hindi nagalit at namatay sa ateke sa puso ang boss nya. Hindi alam ng kapitbahay nyo na nakapatay na pala sya ng tao dahil sa pagiingay nya nung gabing iyon.
                 Kadalasan ang bawat kilos mo ay makakaapekto sa mga nasa paligid mo. Sinadya siguro ng Diyos na maglagay ng isang pising nagdudugtong-dugtong sa bawat nilikha niya. Sa ayaw man natin o sa gusto ang ginawa ng ibang tao ay makaaapekto sa atin, maliit man o malaki ang magiging epekto sayo. naapektuhan ka padin. Kaya nga kadalasan kahit hindi mo sinasadya nakakasakit ka ng iba. Parang yung kapit-bahay nga, napatay nya yung boss na inatake sa puso pero hindi nya sinasadya at hindi din nya alam.
                Mahirap kapag lagi mong isasa-isip ang bagay na iyan (baka mabaliw ka). Baka nga ngayon ay napapatanong kana kung bakit ko ginugulo ang isip mo. Gusto ko talagang guluhin ka, dahil gusto kong mag-isip ka at kumilos.
                Totoong dugtong-dugtong ang mga pangyayari sa bawat isa, at kung natatakot ka sa mga negatibong maaaring kahinatnan ng mga bagay, nako matakot kana nga dahil kahit kalian hindi ka magkakaroon ng kontrol! Isang bagay lang ang magagawa mo, at ito ay ang gumawa ng tama sa lahat ng pagkakataon, wag kang mang-aapak ng ibang tao para sa huli, magkanda leche-leche man ang buong Pilipinas alam mo sa sarili mong naging mabuti kang mamamayan.

"Problema nga Ito" (talumpati) ni: Janella Mae Cadiente

tatlong sanggol ang isinisilang sa  Pilipinas kada minuto, 180 kada oras, 4320 kada araw,30240 kada lingo, 120960 buwan , ibig-sabihin 1451520 na ulo ang nadadagdag sa populasyon ng Pilipinas kada taon. (kwentahin mo pa)
                isipin mo nalamang na pagkatapos mong magsipilyo tatlong bata na ang nadagdag sa populasyon, tapos magkakanaw ka ng kape tatlo nanaman. nagsipilyo ka lang at nagkape anim na agad na sanggol! Nakakaloka.
Kapag iniisip ko ang realidad na ito ay naaalarma ako, paano ba naman kase kung alam lang ng mga sanggol na iyan na ganito kagulong mundo ang dadatnan nila baka mas gustuhin pa nilang bumalik sa mga matres ng nanay nila. (kung pwede lang ganyan na ang ginawa ko nung sanggol palang ako)
Natatakot akong datnan ng mga susunod na henerasyon ang ganitong lipunan. Isang lipunang sagana sa kompetisyon at hindi pagkakasundo. Sanay na tayong naglalaban ang mga mayayaman at mahihirap, normal nalamang ang pagbubuno ng mga manggagawa at mga may-ari ng pabrika, kinalakhan na natin ang girian ng mga Muslim at Kristiano, umay na umay na rin sa pagsisiraan ng mga pulitiko. Sa madaling salita sanay na tayong laging may gulo.
Ako, bilang Pilipino ayokong tanggapin na magulo ang bansa ko. Pero ano pa nga ba? sabi nga nila ang katotohanan ang magbibigay sayo ng tunay mong kalayaan. Pero para naman sa akin ang pag-amin sa isang negatibong bagay ay hindi natatapos sa basta pag-amin nalamang nito. Dapat laging may kasunod na aksyon para ang negatibo maging positibo.
Sa laki ng papulasyon natin at sa lawak ng lupain ng ating bansa ay hindi maiiwasan ang pagkakaiba-iba. Maaaring pagkakaiba-iba sa kulay ng balat , intonasyon ng pagsasalita, paraan ng pagkilos, lebel ng pag-iisip,kakayahan sa buhay at pagkakaiba-iba ng paniniwala. Dahil yata sa mga bagay na ito ay mayroon tayong nalilimutan, nalilimutan nating magkakaiba lang tayo ngunit hindi tayo magkakalaban. Hindi dahil iba ka sa kanya at siya ay iba sa iyo ay magkalaban na kayo,sa buhay ng tao dapat lamang talaga na magkaroon ng kaliwa upang malaman kung nasaan ang kanan.
 Kung tatantsyahin ko tatlong minuto na akong nagsasalita sa harapan. Ibig-sabihin ay siyam na sanggol na ang nadagdag sa populasyon. Kailangan ko nang tapusin ang pagsasalita ko, ayokong sayangin ang oras ninyo sa pakikinig lamang dahil alam kong  pagkatapos nito ay kikilos na tayo upang hindi na gustuhin pa ng mga sanggol na bumalik sa mga matres ng mga nanay nila.

Kolehiyo: Isang lugar ng pagbabago ni Eardon Jan V. Reyes

   
   Simula nang tumapak ako ng kolehiyo, pakiramdam ko laging akong napag-iiwann sa klase, eh paano ba nman kasi hindi ako Pilot Section noong ako ay High School pa lamang tapos dito ako napadpad sa Unibersidad na ang utak ang puhunan, kaya naman lagi akong nahuhuli pagdating sa akademikong gawain, madalas nahihiya akong sabihin ang aking marka sa mga quizzes namin dahil sa mahina akong magkabisa madalas mababa grade ko, nakaramdam ako ng Class Struggle pero ganoon pa man, hindi ako kinutya ng aking mga kamag-aral bagkus ang kahinaan kong iyon ang nagsilbing daan upang ako ay magsipag, makilala at maging kaibigan ng lahat. Marami na kaming pinagdaanan ng aking mga kaklase, naranasan na namin na kami ay mapagtripan ng dalubguro at malapatan ng singkong marka kahit hindi naman karapat dapat pero kahit naging ganoon nagpapasalamat ako sa mga humubog ng aking katauhan, mga Dalubguro namin at aking mga kamag-aral, kaibigan at higit sa lahat ang ating Panginoong diyos.

Nosi ba galata? ni Eardon Jan V. Reyes

   Isang Magandang Araw sainyong lahat, mga kamag-aral, mga dalubguro at sa panauhing pandangal, ako po ay narito sa inyong harapan upang magsalita, magbahagi at upang tanungin sainyo ..


 .. Sino ba talaga ang tunay na kaawa-awa? 
Ang mahihirap ba na hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw o ang mayayaman na nakakakain ng higit sa tatlong beses sa isang araw? ang mahihirap ba na ang problema ay kung paano pakakainin ang buong pamilya sa araw-araw o ang mayayaman na ang pinoproblema ay ang negosyo nila dahil baka sila ay malugi? at ang kanilang problema sa pamilya dahil narin sa hindi sila Close Family Ties sapagkat ang kayamanan ang s'yang mahalaga sa kanila .. Sino nga ba talaga ang tunay na naghihirap?


   Ayon sa isa naming Dalubguro, pitumpung porsyento 70% ng ating bansa ay ang mga dukha at ang natitirang tatlumpung porsyento 30% ay ang mga mayayaman, ngunit nagsasalo-salo ang pitumpung porsyento 70% na mahihirap sa tatlumpung porsyento 30% na kayamanan ng ating bansa at ang tatlumpung porsyento 30% na mayayaman ay piangsasaluhan ang 70% na yaman ng ating bansa. Nakababahalang isipin na ganito ang kalagayan natin sa Pilipinas. Masakit talagang tanggapin ang katotohanan alam kong mayroon pa tayong magagawa upang malutas ang sitwasyon na ito, mahirap man isipin, alam kong darating ang araw na lahat tayo sa bansa ay magiging pantay-pantay.


Pyesa ng talumpati

Yeso hindi Chalk, Basahan hindi Eraser! (Sanaysay Pangklase: Ang karaniwang Hugpungan sa West Wing) ni Jimson Buenaobra


Yeso hindi Chalk, Basahan hindi Eraser!
(Sanaysay Pangklase: Ang karaniwang Hugpungan sa West Wing)


Ni Jimson Buenaobra



At katulad ng Lunes, Martes, Hwebes, Noong First year High school, Second Year, At kanina; Late akong pumasok.

Kinakabahan kung anong mangyayari sa loob ng klase. At dahil lucky day ko ang martes, sinwerte ako at wala ang First Subject, at dahil sa ganoong mga pangyayari nabuo ko ang ideya kung papaano ko bibigyang kulay ang class struggle.

Oo nga’t late ako sa klase, at katulad ng sinasabi ko, tumatambay ako sa West Wing kung saan makikita ang mga turistang hindi marunong managalog (mag-wikang Filipino) na para bang naiinggit sa ganda ng aming uniporme
.
Hindi ako galit sa kanila, nakakaasar lang kasi ang asta nila, parang pwede ng gawing bida sa takilya, kunsabagay hindi lang naman sila ang Globally Competetive eh, bakit kami? Hindi ba kami marunong mag ingles?

Minsan ko na silang nakasalamuha sa isang kumpetisyon, natalo ako pero hindi ko rito hinuhugot ang  emosyon ko, ginagawa kasi nila kaming maliit sa paningin nila, lalo na kung tatambay kaming magbabarkada sa labas, rinig na rinig namin kung papaano kami ibaba ng mga “sobrang husay” na mga turista.
_____________________________________________________________________________
Spell abattoir.            
Ey-bi-ey-ti-ti-ow-ay-ar.
______________________________________________________________________________
Anut-ano pa man, maswerte ako dahil AB Filipinolohiya ako, at bakit? Dahil Martes nga ang Lucky Day ko at Martes ako nag enroll sa PUP. At araw-araw nagiging Lucky Day ko sa tuwing may natutunan ako sa pagiging Filipino ko, sa twing nakikita ko ang mga kaklase ko.

Ang matanda sa henerasyon ng kabataan (Sanaysay) ni Jerold Noble Dramayo

           Kumpara dito, kumpara doon, kumpara sa lahat ng pagkakataon!

            Ang ilan sa mga kabataa’y nabubuhay sa ganitong sistema,  bawat kilos nila  sa mata ng mga matatanda ay hindi tama. Dahil sa hindi na tama ang ginagawa ng mga nasa kasalukuyang panahon, di daw tulad ng kaugalian nila noon.

            Ang masusing panghaharana ng isang lalaki noon, pagi-igib ng tubig at pagsisisbak ng kahoy ay tila wala na. Konting bolahan nalang at dere-deretso na. Ni hindi na kailangan ng basbas ng mga magulang, pagkat wala pang isang araw ang itatagal ang panliligaw ng isang hirang.

            Ito ang dinadahilan ng mga matatanda, kung bakit sa murang edad ay nagiging magulang na, mga mapupusok na kabataan na kinabukasan sa isipa’y wala na. Ang inaasahang sandigan ng bayan sa hinaharap ay wala ng kasiguraduhan, pagkat maagang nalamnan ang kaniyang sinapupunan. Hindi daw tulad noon, ni hindi maaaring magdikit ang babae’t lalaki, pagkat sila daw ay konserbatibo.

            Ang mga nakakatanda nga ay tunay na pabalik na habang ang mga kabataan ay papunta pa lamang. Sila yaong mas nakaaalam ng tama. Kaya’y walang masama kung ating susundin ang kanilang mga payo.