Relihiyon, Moralidad, Gobyerno at RHBill
Lumaki ako sa isang pamilyang sarado Katoliko. Ang nanay ko ay isang taong simbahan at walang araw na hindi kami kailangan umuwing magkakapatid, tuwing alas-6 nang gabi, para sa pagdasal nang “angelus”. Pinag-aral ako nang aking mga magulang sa isang Catholic school noong ako’y nasa High School.. kaya magpahanggang ngayon, hindi ko pa nakakalimutan ang mga dasal at sagot sa isang misa na noon ay aktibo kung sinasalihan. Naging sakristan ako, at ilang Easter din ako’y naatasang kumakanta para sa selebrasyon.Pagkatapos nang High School, napalipat ako sa nang ibang lugar para mag-aral. Doon, ako’y nagkaroon nang mas malawak na pag-iisip at hinayaang gawin ang kagustuhan. Namulat ako sa ibang relihiyon. Madalas akung tumambay sa isang “Plaza” na marami ang araw-araw na nagde-dibate tungkol sa relihiyon, paniniwala at bibliya. Doon naisip ko na ang bibliya at paniniwala ay kadalasan magkasalungat ang interpretasyon nang bawat isa. Na maaaring mali ang mga nalalman ko mula pagkabata. Lalo lang ako nalito.
Marahil doon nag-umpisa ang aking pagdududa sa relihiyon na kinalakihan ko. Naghanap ako nang mas madaling intindihin na paniniwala. Yung relihiyon o paniniwala na hindi kumplekado at madaling maunawaan. At sa aking paghahanap, natagpuan ko iyon sa pagiging “Born Again Christian”.
Sa mga issue ngayon tungkol sa RH Bill, hindi nga ba’t iba’t-iba nag paninindigan nang bawat “Religious Groups”? At kung atin ito suriin nang mabuti, ito ay dahil sa samu’t-saring interpretasyon at paniniwala sa bibliya, o sa salita nang Diyos? Magulo at masalimuot. Sino at alin ngayon ang ating papanigan?
Ang sa akin lang naman, walang relihiyon ang dapat magsabi na ikaw ay makasalanan at di maka-diyos kung ikaw ay naniniwala sa RH bill. Kung sila-sila mismo ay hindi nagkakasundo sa salita nang Diyos, sino ngayon ang TAMA? May karapatan ba sila maghusga kung ikaw ay “hindi kristyano”? Ang alam ko ay Diyos lang ang dapat maghusga sa sino man.
Oo nga’t may sariling panununtunan ang bawat simbahan. Ngunit ang gobyerno man ay dapat manindigan sa kanilang panununtunan at batas. At walang karapatan ang bawat isa sa kanila na manghimasok sa kung ano man ang magiging patakaran/panununtunan. Maliwanag na may separasyon nang gobyerno at simbahan, subalit bakit mukha yatang ito’y hindi na isinalang-alang? Bakit halos lahat nang relihiyon ay nakiki-alam?
Kabi-kabilang debatihan sa isyung ito ang ating kasalukuyan natutunghayan. Mayroon nagsasabi na ang mga pildora at “condom” ay gamit o isang paraan nang abortion. Na sinalaungat nang maraming Pro-Rh na paano mangyayari ang abortion kung ito’y isang paraan nang pagbubuntis? Ano ang ina-abort mo, kung wala pa naman buhay sa sinapupunan? May nagsasabi na ang paggamit nang “contraceptives” ay paraan para dumami ang sexual activities (promiscuity) nang isang tao. Ngunit hindi ba ito nangyayari na sa kasalukuyan? May nag-aargumentong ang pagpigil nang pagbubuntis ay malaking kasalanan sa salita nang Diyos na “humayo kayo, at magpakarami”. Ngunit, hindi ba mas kasalanan ang manganak nang manganak na wala ka naman kakayanan sa pagpapalaki o magpakain man lang sa iyong magiging anak? Kadalasan ang mga supling na mga ito ay hindi pa nagiging mabuting mamamayan at kristyano dahil sa hindi nagabayan nang magulang. May nagsasabi na ang mga “contraceptives” ay salungat sa gusto nang Diyos na kaya biniyayaan tayo nang “sex” ay para sa “procreation”? Ngunit kung ganito ang lohika dito, ang “masturbation and celibacy” ba ay isang paraan din nang hindi pag-aanak?
Magulo.. masalimoot, nakakalito… higit sa lahat nakakatawa na ang ating lipunan ay ganito. Marahil isa ito sa dahilan na ang ating bansa ay napag-iiwanan… Hindi nga ba?
ISINIPI NI: Jerold N. Dramayo
http://kuro-kuro.org/archives/3173
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento