Mga boses sa kalsada na maririnig na sumisigaw, ngunit hindi maituturing na ingay, “Noise Pollution” na nakabubulahaw. Pagkat ingay nila’y hindi basta-basta’t trip-trip lang, pagkat sila ang boses ng mamamayan na solusyon sa problema ang ipinaglalaban.
Isang napakalaking bahagi ang ginagampanan ng pamahalaan sa ikabubuti ng ating bansa at ng mga mamamayang nakapaloob dito. Gumagawa, nagpapasa, at nagpapatupad ng mga batas, mga patakarang dapat na sundin ng mga mamamayan pati na ang mga dayuhang naninirahan dito. Mga alituntunin na nararapat lang na pinag-iisipang masusi bago pa man maipasa sapagkat ang ikabubuti ng nakararami ang nakasalalay sa mga desisyong pinaghahawakan ng mga namumuno. Ang mga namumuno ay dapat lamang na nasala ng mabuti bilang isang responsible at matalinong tao hindi lamang upang magamit sa pamumuno maging sa pagiging mabuting modelo ng mga mamamayang pinamumunuan nito.
Ngunit dahil hindi perpekto ang mga bagay-bagay dito sa mundo, malamang sa malamang ay hindi tayo makaaasa na ang ating pamahalaan ay perpekto sa katangian ng mabuting mamumuno ng bansa. Hindi maiiwasang makita ang negatibonng banda ng Gobyerno. Mga buwayang lider na naglipana at walang ginawa kundi lamangan ang mga kawawang mamamayan. Sila yaong kunwari’y naglilingkod ng mabuti ngunit kapag nakatalikod na’y bumubulsa sa kaban ng bayan kaya’t patuloy na naghihirap ang mga mahihirap at sila’y patuloy pang nagpapayaman.
Ang mga ganitong suliranin ng bansa ang mga bagay na nagpapakilos at nagtutulak sa mga mamamayang lubos ang pakialam sa kanilang bansa higit sa kanilang mga kababayan. Sila yaong hindi makapapayag na magpa-api at mag-pasawalang bahala habang kitang-kita ng dalawa nilang mga mata ang mga kahinaang ipinakikita ng mga tao sa gobyerno, kung paano sila nanlalamang ng mga mahihinang mamamayan at kung paano nila inaabuso ang kanilang posisyon upang magawa nila ang mga bagay na nais nilang gawin, labag man ito sa batas.
Ang mga tinatwag nating “Aktibista” na nagsisigawan habang hawak ang kanilang mga karatula kung saan nakasulat ang nais nilang ihayag, ay ang mga mamamayang may lakas ng loob upang maiparating sa mga tao sa gobyerno na mayroon silang mga pagkukulang bilang mga namumuno sa bansa. Sila ang boses ng sambayanang Pilipino na lumalaban sa hindi makatarungang gobyerno na alam nilang hindi makatutulong sa mga tunay na pangangailangan nila. Sila yaong mga handang gawin ang mga posibleng paraan na kahit na maubos ang kanilang boses marinig lamang ng mga nagbibingi-bingihang buwaya sa pamahalaan ang kanilang mga hinain at damdaming nais maipahayag. Dahil para sa kanila, ang buhay ay hindi lamang para sa pansariling kabutihan, dahil ang ikabubuti ng nakararami ang siyang mas mahalaga pa rin sa ikauunlad ng lahat.
Ang pamumuno nga ay isang mahirap na gampanin ng isang tao, ngunit nagiging madali kapag tama ang paraan at prinsipyo ng isang namumuno. Kaya’t hindi maiiwasan na nakapipili tayo ng mga hindi karapat-dapat na pinuno na hindi kayang gampanan ang kanyang obligasyon sa bansa at sa ating kanyang nasasakupan. Nagiging sanhi para tayo’y tumayo at sumigaw upang kahit na papaano’y mayroon tayong ginawang hakbang upang maipaglaban ang alam nating tama at maituwid ang alam nating mali.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento