Katulad ng dati, at ayon na rin sa sabi-sabi sa sitio naming katulad ko ring mangangalapati, babalik raw ang kalapati pag kabisado na nya ang amoy at hitsura ng bahay nya, ganoon na rin ang kanyang amo, lalo pa’t kung may itlog itong dapat pang limliman.
“… Tay, kelan daw ba babalik ang Nanay? Wala pa syang telegrama sa akin ah, gusto ko po sana syang pasalamatan sa pinadala nyang paborito kong Mask Rider na robot na tanging sa Hong Kong lang mabibili…”
“ Sa pasko pa ang balik n’ya” wari ni tatay.
_________________________________________________________________________________
Hanggang sa tinubuan na ako ng buhok sa kili kili, ay sariwa pa sa aking alaala ang mga kataga na binigkas sa akin ni Nanay nung walong taong gulang pa ako, sabi n’ya, sabay-sabay raw kami nila Tatay na kakain ng hamonado sa pasko at sasamahan nya rin daw akong manghingi ng aguinaldo sa mga Ninong at Ninang ko.
Ngunit lahat na ng okasyon sa kalendaryo ay nagdaan; wala pa rin kaming balita kay Nanay. Nagka-katarata na nga si Tatay pero malinaw ang kanyang paniniwala na babalik si Nanay katulad ng ibang Pilipinong lumuwas ng bansa; at katulad na rin ng mga kalapating kabisado ang daan patungo sa kanyang mga inakay; pero lahat ng malinaw naming paniniwala ay binulag ng masamang balita: “Isang OFW, Pinatay ng Militar dahil inakalang utak ng kilos-protesta sa Hong Kong.”
Kahonado na si Nanay nang bumalik, katulad ng mga nalulusaw na kandila; mga mata ko’y lumuluha. Minsan nga tinanong ko kung ganoon ba talaga kahirap maging isang Pilipino, kung ganoon ba talaga kahirap maging biktima; - kung ganoon kahirap maging mahirap. Hindi ko alam ang sagot. Mahirap.
Nagsimula akong mangarap, hanggang sa kinilala akong manananggol at boses ng mga inaping OFW, hindi nga naging madali para sa akin ang lahat, wala na akong Nanay, at pakiramdam ko, walang ginagawa ang mga nasa pwesto kundi makipag sosyalan at mangitain ng salapi, kaya doon ko hinugot ang buntong ng galit ko, mainit ang mata ko sa kanila, wala kasi nsilang ginawa para ipagtanggol ang kababayan nila.
Binuhay ko nalang ang emosyon ko sa pagsusulat at paglalaro ng mga armas sa masukal na kabundukan, hawak ang banderang may VIVA CPP-NDF! Nakasuot ng fatigue at may lasong pula sa braso, at ang ikinakukulo ng fugo ko ang kapwa kong pango at kayumanggi na nabihisan ng barong,naka-amerikana at nag papa easy-easy lang sa malakanyang.
Natuto akong mabuhay sa bundok at kinilalang rebelde sa kapatagan, sangkot ako sa mga pamamaslang at aminado akong emosyon ang umiiral sa aking katauhan at hindi ang katinuan ng pag iisip. Marami na kasing boses ang hindi nila naririnig, tulad ko, hindi nila alam kung anong hinanakit ang mga pinagdaanan ko, dahil wala silang ginagawang pagtatanggol kay Nanay. Silang mayayaman ang ugat ng oligarkiyang pumipinsala sa bawat pamilya ng OFW, at bakit? kung hindi sa kanila, hindi aalis si Nanay, o kung sino mang Pilipinong nais magpakahirap sa mga bansang nag niniyebe, mga bansang ang nakatira ay hindi natin kalahi.
Ipinapangako ko, hindi ako susuko, hindi ako bababa sa bundok hanggat hindi pantay ang tungin sa lipunan at sa Gobyerno, mahal ko ang Pilipinas, lalo na ang nga taong inaabuso, nangungulila, at namatayan. Tulad ko.
Ang Kalapati,Baril at Kaming mga Rebelde ay isang Sanaysay na Malaya.
TumugonBurahinMalaya.
- Jimson
PS, Ang hirap i edit ng Title eh, kaya dito na lang sa Commnet box.