Sampung mga daliri putol lahat sila
binging tainga, bulag na mata, ilong na inopera
maliliit na ngipin walang makain
dilang maliit nagsasabing ako nala’y magsisinungaling
Idineklara ng United Nations ang pilipinas bilang isa sa mga third world country, nangangahulugan itong ganap na nga ang ating pagiging mahirap. Ito ay hindi na isang bagong balita. Nakatatakot dahil tila niyayakap na nga natin ang titolong ito. Niyayakap na nga kaya natin ang kahirapan? Wag naman sana.
Ang isang pamilpang Pilipino na mayroong apat na miyembro ay nangangailangan ng apat na daang piso bawat araw upang matustusan ang kanilang mga PANGANGAILANGAN.Pangkain ng tatlong beses sa isang araw (apat kung may miryenda), konsumo sa tubig at kuryente, baon ng mga anak na nag-aaral, pambili ng shampoo,sabong panligo, sabong panlaba at iba pang mga gastusin. Sapat na ang halagang nabanggit para sa mga ito. Yun nga lamangkailangan pa ni ate ng pan-load sa cellphone, kailangan ni bunso ng pangrenta ng kompyuter sa labas,kailangan ni tatay ng pambayad sa kinuhang hulugang TV set at dvd player, si nanay naman kailangan ng pangtongits para malibang.
Sinong nagsabing mahirap ang bansang isa sa mga tinaguriang texting capital of Asia? Sinong nagsabing walang makain ang isang pamilyang may pambili pa ng yosi at alak ang padre de pamilya? Sinong nagsabing walang pambaon at pang-aral ang mga batang nagagawa pang makapaglaro ng video games? Sinong nagsabing mahirap si Juan?
Ayokong yakapin ang titolong ikinorona sa perlas ng silanganan. Hindi ako naniniwalang lugmok tayo sa kahirapan. Lugmok tayo,ngunit hindi sa kahirapan dahil ang tunay nating kinalulugmukan ay ang tinatawag na putik nang kamang-mangan. Biniyayan tayo ng mga kakanyahang magagamit sa pagpapaunlad ng SARILI NATING BANSA, ngunit mistulang isa-isang pinuputol ang mga daliri ng pag-unlad dahil sa paglisan ng ating mga kababayan. Demokrasya ang isinusubo sa atin ng kasaysayan , ngunit tila hindi manguya nang maayos ng mga bingi at bulag na Pilipino. Pango ang ating mga ilong ngunit pinipilit nating patangusin upang magaya ang pinagkakapitaganang ibang mga lahi. Pinipili nating punan ang tawag ng kumukulong sikmura kaya’t nagagawang manlamang at palipasin nalamang ang gutom na nararamdaman ng diwa at kamalayan. Hindi tayo mahirap, hindi lamang malinaw sa atin kung ano ang dapat nating pagtuunan.
Maganda ang Pilipinas kaya nga tayo pilit na sinasakop noon ng mga dayuhan. Mayaman ang mga Pilipino siksik liglig tayo sa talento at katalinuhan. Isa nalamang ang dapat nating matutuhan, ito ay ang wastong paggamit ng mga biyayang ito.
HINDI KA MAHIRAP, ito ang dapat mong malaman Juan.
-piso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento