Ang pananaw ng isang bulag, ay wala sa iyong paningin
Ang pahayag ng pepe, sa iyong boses ay wala rin
Sa pagtindig ng pilay, kumpleto mong paa’y uuurin
Pagkat kulang man sila, kumpleto din kung susuriin.
Madalas na nilalait, ‘pagkat sila’y kulang
Hindi normal kung ituring, minsan pa’y sinasaktan
Sila yaong itinatakwil, na madalas pang iniiwan
Kinalilimutang tao rin, na may puso at pakiramdam.
Kumpleto nga sila, kaya’t may dahilan upang magyabang
Manakit ng kapwa, at mang-api ng mayroong kulang
Mas madalas pang manlait, kaysa maawa’t tulungan
Yaong mas nangangailangan ng pag-aaruga, pagmamahal at kanlungan.
Mga anak ng Diyos na isinilang na may kapansanan
Kakambal ay galing, kahusayan sa iba’t ibang larangan
Bulag, pepe, binge, pilay o kahit ano pang kakulangan
Siguradong ang Ama, ay may ispesyal na inilaan.
Ang tunay na perpekto ay ang ating Diyos Ama
Ama ng lahat ng nilalang, may kapansanan man o wala
Walang kumpleto o kulang sa kanyang mga nilikha
Pagkat lahat ay pantay-pantay, sa paraan lang nagkakaiba.
nung simulan kong basahin akala ko hindi literal na mga taong may kapansanan ang nais mong tukuyin. buti na lang binanggit mo sila ng tuwiran: " mga anak ng Diyos na isinilang na may kapansanan"
TumugonBurahinAng ganda
TumugonBurahin