Ang magagandang bagay na nakikita sa mundong ito ay bunga ng pagmamahal. Dahil mahal ng Panginoon ang sanlibutan, ibinigay niya at lumikha siya ng napakaraming magagandang biyaya para sa atin. Tayo ay likha ng Diyos. Samakatuwid, tayo rin ay bunga ng pagmamahal.
Paano kung ang pagmamahal na dapat ay nagbibigay ng kasiyahan at pag-asa ay nakapagdudulot din ng kalituhan at kalungkutan? Magmamahal ka pa ba? Magbibigay ako ng dalawang sitwasyon kung saan ang mga ito ay karaniwan na nangyayari o pinagdaraanan ng ilan sa atin.
Una, mahal ka ngunit hindi mo naman mahal. Sila yung mga tipong nagmamahal sayo at handang maglaan ng oras makasama ka lamang. Sila yung laging nariyan para tulungan ka sa tuwing ikaw ay nangangailangan kahit pa walang kapalit. Sila yung mga tipong nagbibigay ng sobrang pagpapahalaga, importansya at pagmamahal sayo ngunit hindi mo magawang suklian ang mga iyon dahil alam mo sa sarili mo na may iba kang gusto o minamahal. Kung minsan pa nga, ipinagtatabuyan mo na pero hidi parin matinag ang pagmamahal niya para sayo.Sinasabihan mo na ng kumindat ka na lang sa dilim, pero patuloy parin siyang umaasa sayo. Marahil napag-isipan mo na rin minsan na siya na lang ang piliin mo ngunit hindi mo magawa dahil alam mo na may humahadlang para gawin mo ang bagay na iyon.
Dito na pumapasok ang ikalawa,mahal mo ngunit hindi mo alam kung mahal ka rin niya. Mahal mo ngunit hindi ka sigurado kung ganoon din ba siya sa iyo. Mahal mo ngunit hindi mo alam kung kelan ka niya balak mahalin o kung minsan pa’y kung may pag-asa pa ba na mahalin ka rin niya. Marahil may iba rin siyang mahal kaya ganoon. Mas masakit pa kung sinabi niya sa iyo na nagmamahal na siya ngunit hindi ikaw yun. Oo, alam ko na masakit subalit kahit ganoon, nakukuha mo parin na tiisin ang sakit dahil mahal mo, kinakaya mo dahil siya ang laman at sinisigaw ng puso mo. Huwag kang plastic. Alam mo sa sarili mo na kahit papaano ay umasa ka, sabihin mo man na hindi. Alam mo rin na minsan nagmumuka ka ng tanga pero patuloy at nagkakandarapa ka parin sa kanya. Nakukuha mo na magmukang masaya, kahit ang totoo ay lugmok na lugmok ka na. Natitiis mong maghintay kahit hindi mo sigurado kung darating pa siya para sayo. Higit sa lahat, nagagawa mong isantabi ang pansarili mong kaligayahan pati ang mga taong naglalaan ng panahon at pagmamahal sayo.
Ganito ba talaga kadrama ang buhay pag-ibig? Ganito ba talaga kahirap mamili ng mamahalin? Kailangan ba talagang bitiwan ang isa kahit alam mong masasaktan ka o di kaya’y siya? Ikaw? Sinong pipiliin mo? Ang taong nagmamahal sayo o ang taong tunay na mahal mo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento