Sa isang talumpati na aking nabasa isang pahayag ang pumukaw ng aking atensyon. “Walang taong bobo marahil tinatamad lang sila”. Naisip kong marami ang matutuwa at magsasabi ng “Tama!” kapag nabasa ang nasabing pahayag pero nasisiguro ko rin na marami ang magtataas ng kilay at magsasabi ng “hmm..palusot!”. Pero ano nga ba ang katotohanan? May tao nga kayang mangmang o sadyang tamad lang? Subalit kung aking tatanungin ang karamihan kung may tao kayang matalino? Paniguradong marami sa inyo ang sasagot ng oo! Maraming tao ang maaaring maging patunay katulad na lamang ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Kung aking sasabihin ang lahat ng maaring maging patunay ng kanyang katalinuhan marahil ay maubos ang aking oras sa pagsambit ng kanyang mga karangalan. Nandiyan din ang ating mga guro na patuloy pa ring nag-aaral upang ipabatid sa kanilang mga mag-aaral ang bagong leksyon sa pahina ng mga libro. Hindi lang mga matatalino, mga dakila pa! Sino ba naman ang nanaising mag-aral pa pagkatapos niyang mag-aral upang makapagturo? Ika nga nila, wala ang lahat ng propesyon sa mundo kung wala ang isang guro.
Napakahirap ang maging matalino kaya’t ganun na lang ang paghanga ko sa mga taong biniyayaan ng katalinuhan. Kumbaga sa panahon ngayon ang katalinuhan ay isang requirement lalo na sa paaralan. Mahirap ang walang alam, ang pakampante lang, dahil may gradong nakasalalay, alam yan ng mga college student na gaya ko. Noong hayskul marahil ay pwede pa ang tsambahan ngunit sa aking nararanasan ngayon sa pagtapak sa kolehiyo mukhang napakaimposible ng salitang tsamba. Wala kang mahihingan ng tulong sa mga katabi mo dahil oras na makita ka ng iyong propesor, singko ang iyong kaharap. Pati na sa paghahanap ng trabaho mukhang requirement na rin ang katalinuhan, aminin man natin o hindi may malaking gampanin pa rin ang ating mga grado sa paghahanap ng trabaho at mukhang nagiging salamin na ito ng ating pagkatao upang makapasok sa nais nating propesyon. Mas pinagtutuunan ng pansin ang mga numero sa class card kaysa sa kakayahan na mayroon ang isang tao. Maging sa araw-araw na pakikisalamuha natin sa iba ay mukhang required din na maging matalino ka. Napapansin ko na malaki ang pagrespeto at paghanga ng iba kapag sa tingin nila ay matalino ang kanilang kaharap, nagiging maliit ang tingin sa kanilang mga sarili at umaayon na lang na mas tama ang sinasabi ng kausap kaysa sa mga lumalabas sa kanilang mga bibig.
Kung mapapansin natin napakalaking adbentahe talaga ng pagiging matalino sa ating lipunan. Kinikilatis ang bawat isa batay sa laman ng utak nila. Kung ganun, nakaaawa pala ang kalagayan ng mga taong sa katalinuhan ay kulang. Hindi ko alam, pero magpasa hanggang ngayon ay patuloy kong iniisip kung may tao nga bang mangmang o ito’y isang ekspresyon lang nating mga Pilipino. Kung ating babalikan ang nakaraan at babasahin ang mga akdang gawa ni Dr. Jose Rizal, kapansin-pansin ang bansag ng mga kastila sa ating mga Pilipino—indio! kung ating tutumbusan ng kahulugan ay balbal na salitang mangmang ang ibig sabihin.
Nakalulungkot isipin na kung anong tayog ang paghanga ng ibang tao sa mga matatalino ay ganun naman ang pangmamaliit sa mga "indio”.
Ito’y isang katotohanan na maaaring alam ng lahat at hindi na lamang pinagtutuunan ng pansin. Totoong mahirap ang maging walang alam ngunit mahirap din ang pagkakaroon ng angking katalinuhan. Ang pagkakamali ay wala sa bokabularyo ng mga taong sa mga matatalino ay nakamatyag. Oras na sila’y magkamali ganun na lamang ang pangmamaliit sa kanila at minsa’y doble pa sa nararamdamang pangmamaliit sa mga indio. Hindi madaling maging matalino sapagkat nakaatang sa mga balikat nila ang lahat ng responsibilidad. May mga matang tila kumikilatis sa bawat segundo at minuto ng kanilang pagkilos.
Wala ring madali sa pagiging mangmang ang tao ang nais magtiwala sa kakayahan nila dahil sa kawalan ng kapasidad sa maraming bagay . Walang puwang ang pagbabago para sa ibang tao dahil nakatatak sa isipan ang mga pagkakamaling nagawa.
Naisip ko tuloy na ang hirap pala mabuhay. O sadyang ang mga taong kinaugalian ng uriin ang kakayahan ng bawat isa ang nagpapahirap nito? Hindi ba’t mas masayang mabuhay kung nakukuntento na lamang sa kung anong meron ka?
Ito’y ginawa ko para sa lahat, hindi para papurihan ang mga matatalino o kutyain ang mga mangmang. Parehong nakararanas ng paghihirap, parehong nakararanas ng kasiyahan. Hindi kasalanan na matalino o mahina ang ulo mo. May mga bagay na hindi na natin mapipilit pang mabago, ngunit pakatandaan natin na kung anong meron ang bawat isa ay doon natin naipakikilala kung sino man ang totoong IKAW, AKO, at TAYO!
ni: Maria Katrina L. Camposano
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento