Magandang araw po sa inyo! Ang totoo po ay kinakabahan at nalulula ako ngayon sa dami ng tao dito sa aking harapan. Ngunit bago pa lamunin ng aking kaba, hayaan ninyong simulan ko ang aking talumpati ng isang pahayag na kung hindi ako nagkakamali ay alam ninyong lahat, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda”. Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa taong nagbanggit ng yaong pahayag. Walang iba kundi ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal.
Marahil kayo ngayon ay nagtataka kung paanong napasok si Dr. Jose Rizal at ang kanyang tanyag na pahayag sa aking talumpati ngayon. Ako po’y isang makabayang mamamayan kung hindi ninyo po matatanong. At bilang isang makabayang mamamayan at isang kumakandidato gusto ko pong ipabatid sa inyo na ang pagpapaalala sa kahalagahan ng ating sariling wika ay ang aking pangunahing adbokasiya.
Gusto ko lamang pong punahin sa panahon ngayon ang palagiang paggamit ng wikang banyaga ng ating mga kababayan lalo na sa sektor ng mga kabataan. Minsan pa ay pinaghahalo nila ang ating sariling wika at ang wikang banyaga na tinatawag na Taglish, Enggalog at iba pa. Walang masama, dahil nagpapatunay lamang ito ng pagiging dinamiko at buhay ng ating wika. Ngunit dahil sa pag-eeksperimento nating mga Pilipino sa wika tila humihina na tayo pagdating sa ating sariling wika. Nandyan ang kakulangan natin sa bokabularyo, mga mali-maling ispeling ng mga salita dulot na rin ng bagong teknolohiya.
Noong minsan nga po akong makapanood ng isang dokumentaryo na pinagbibidahan ng ating mga nagbabasurang kababayan akin po talagang napansin ang kanilang paggamit ng ating wika. Kapansin-pansin po ang paggamit nila ng malalalim na salita, bata man o matanda. Nabanggit rin po sa nasabing dokumentaryo ang kawalan nila ng sapat na edukasyon. Sa akin pong pinanood naisip ko tuloy na mabuti pa ang mga walang pinag-aralan may mahusay na pagkakagamit ng ating wika at may kalaliman ang bawat binibitawang pahayag ngunit kung mga naturingang may pinag-aralan ang ating pupunahin, masabi lamang na sila’y may pinag-aralan handa nilang talikuran ang kanilang sariling wika at magpasakop sa banyagang wika.
Bilang isang makabayang mamamayan isa lang naman po ang aking ninanais ang mahalin natin ang sariling atin. Sino pa po ba ang tatangkilik ng sarili nating wika kundi tayo-tayo din lang naman. Hindi nalikha ang wikang Filipino para sa Amerikano, Hapon, o Espanyol. Ito ay atin kaya kaya dapat nating gamitin, ipagmayabang at pagyamanin.
Hindi ko po masisiguro sa inyo na sa pagboto niyo sa akin ay matutupad ang lahat ng aking pangako. Ang pagkilos ay hindi sa akin mga mahal kong kababayan kundi nasa inyo! Ako’y instrumento lamang upang ipabatid ang paggamit ng sariling wika ngunit nasa sa inyong mga kamay pa rin ang pagpapasya. Yun lamang po at maraming salamat sa pakikinig. Mabuhay ang wikang Filipino.
ni: Maria Katrina L. Camposano
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento