BY : CHRISTELLE JOY MALIJAN
Pag-ibig. Anim na letrang salita ngunit napakaraming kahulugan. Pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa kaibigan, pag-ibig sa pamilya, pag-ibig sa kaaway at espesyal na pag-ibig sa kapwa. Iba-iba man an gating paraan ng pag-ibig, iisa lang ang tanong ng bawat isa sa atin, paano malalaman kung tunay at tapat ang pag-ibig? Makikita ba ito sa mga materyal na bagay na kaya mong ibigay sa taong mahal mo? Paano kung tanging oras at effort lang ang iyong kayang maibigay? Masasabi mo bang tunay at tapat kang magmamahal?
Bawat isa sa atin ay may karapatang umibig at ibigin. Sino ba naman ang hindi magmamahal kapag pana na ni kupido ang tumama. Ngunit bakit tila puro mayayaman na lamang may karapatang umibig at ibigin sa ating lipunan na ngayo’y puno ng mga mapanghusgang mata at mga mapanakit na dila? Pera at mga materyal na bagay na nga lang ba ang nagpapatakbo sa isang relasyon ngayon? Mawawalan na lamang ba ng karapatang umibig at ibigin ang mga taong tapat na pag-ibig lamang ang nagsisilbing kayamanan?
Mas lamang daw ang mga mayayaman pagdating sa pag-ibig. Kung mayaman ka, may mga damit kang maiisusuot at maipang-poporma kapag ika’y manliligaw, ngunit kung mahirap ka, paulit-ulit na t-shirt at maong na kupas lamang ang iyong nagagamit pag ika’y nanliligaw. Kung mayaman ka, madadala mo ang taong mahal mo sa kahit saang lugar niya gusto at kahit gaano pa ito kamahal, ngunit kung mahirap ka, tanging fishball at barbecue lang ang maibibigay mo, swerte na nga kung mapapakain mo siya sa karinderya. Kung mayaman ka, mabibilhan mo ng mga regalo ang taong mahal mo, ngunit kung mahirap ka, kailangan pang dumilihensya may maibigay ka lang na regalo, sampung pisong kwintas na nangingitim pa at bagong pitas na gumamela ay ayos na. kung mayaman ka, madadala mo ang taong mahal mo sa mga mamahaling hotel at motel ngunit kung mahirap ka, isang madilim na iskinita lang ang nagsisilbi niyong motel, swerte na kung may bakanteng lote na damuhan o kariton kayong makita. Sadyang napakalaki ng diperensya o agwat ng mayayaman sa mahirap kapag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Dala na rin ng kahirapan, marami sa atin ngayon ang naghahangad na makapag-asawa ng mayaman. Ito ang nagsisilbi nilang paraan upang makaahon sa hirap na dinaranas. Ngunit mayroon pa rin sa atin ang patuloy na mas pinipili ang pag-ibig na tapat na pagmamahal lamang kayamanan kaysa sa pag-ibig na puro materyal na bagay at pera ang basihan.
Mas nakikita daw ang katapatan ng pag-ibig sa mga bagay na mula sa paghihirap ng tao kaysa sa mga bagay na mula sa pera ng tao. Totoo nga naman ito, dahil paano mo masasabing tapa tang pag-ibig sa iyo ng isang tao kung puro pera lang ang kaya niyang gamitin mapatunayan niya lang pagmamahal niya sayo? Hindi gaya ng pagmamahal ng isang taong dugo at pawis ang handing iaalay maipakita at maipadama lamang ang pagmamahal nia. Kung mahirap ka lang, tiyak na magtatrabaho at maghihirap ka para lang mapaligaya ang mahal mo. Ngunit kung mayaman ka, isang withdraw at isang utos lang ay may instant gift na sa mahal mo. Walang kahirap-hirap diba? Ang tanong, nadama kaya ang pagmamahal mo?
Hindi ka daw mapapakain at mabubuhay ng pagmamahal ngunit hindi matatawarang kasiyahan naman ang madarama mo kapag mahal mo ang kasama mo sa hirap man o sa ginhawa. Anong silbi ng kayamanan mo kung hindi ka naman masaya? Kung mayaman ka, marahil ipinagkasundo ka lang ng magulang mo maisalba lang ang inyong naghihingalong negosyo. Kung mahirap ka, malaya kang magmamahal. Wala ka mang materyal na bagay, kapiling mo naman ang taong mahal mo na siyang makatutulong mo upang umunlad at magkaroon ng materyal na yaman. Kung mayaman ka, siguro nga ay mabibili mo ang lahat gamit ang pera mo ngunit hindi ang tunay at tapat na pag-ibig. Kung mahirap ka, hindi mo man mabili ang lahat ng bagay na gusto mo, masasabi mo namang tunay at tapat kang umiibig dahil sa mga paghihirap at oras na inilalaan mo.
Siguro nga ay nasa tao pa rin ang desisyon. Mayaman ka man o mahirap, ang mahalaga nagmamahal at minamahal ka. Magkaiba man ng paraan, malaki man ang diperensya at pinagkaiba, ang mahalaga naipakita mo kung ano at paano ka magmahal. Kailangan na lang siguro nating tanggapin ang riyalidad na kung may pera ka, lamang ka, kung mahirap ka, kawawa ka. Oo totoo ito, sa lipunan, pero sa pag-ibig? Kung may pagpapahalaga ka sa tunay na pag-ibig, at hindi nakukuha sa pera at mga materyal na bagay, sa mahirap ka. Pero kung ang pag-ibig mo ay may katumbas na halaga, napepresyuhan at nabibili, sa mayaman ka.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento