Huwebes, Setyembre 29, 2011

Dear Mendiola ni: Jimson Buenaobra















Dear Mendiola;

                                                       Bukod sa mahirap, kami ay api.

I.
        Narito nanaman ako
at kasama ko sila, para ibandera
ang puting watawat na
nagkulay pula;
‘wag ka nang magtaka
Kung bakit araw -araw kaming bumibisita
Sa puntod mo,
dahil katulad ng kahapon
Kami ngayo’y nagwewelga


Dear mendiola;

     Nagustuhan mo ba
yung mga kwento’t hinaing
Na naging musika sa yong tenga
Mga dugo na  tu
                        mu
                             tu
                                 lo

at dumilig sa yong lupa;
mga dugo
na umagos sa Luisita at
 humalo sa
nagtataasang gasolina;
mga dugong namuo sa aming
mga laman,
Mga dugong pumintura
sa sahig ng dahil sa barikada


Dear Mendiola,

     Kakampi ba kita?
baka kasi nagsasawa ka nang
pakinggan ang aming boses na tila
panaghoy ng marubdob na orkestra,
Marami na kasing nalagas
sa aming magkakasama
para lang ipagtanggol
ang karapatan
ng aping magsasakang
lupa ang sinisinta;
mga taong biktima ng pang aalipusta
mga biktimang hindi kayang pakinggan
ng taong namumuno
sa ating bayan.

Dear Mendiola;
     Kailan magkakaroon ng sagot
ang mahiwagang tanong
kung lalaya ba kami sa gutom;
kung maitutuwid ang landas ng hukom
kalian makikita ang mga binilanggo,
na inulol ng salapi?
         ________
Naiinip na ako, Mendiola...
         ________

Dear Mendiola;

  Papunta na kami dyan
baka sakali ngayong araw ay
kami naman ang pakinggan
ng mga pinunong hindi marunong
umintindi sa kanyang nasasakupan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento