Miyerkules, Setyembre 28, 2011

KAPANGYARIHAN AT PERA O DIGNIDAD AT SINSERIDAD?
ni Kathlyn Sauro

Hindi magiging matagumpay, maunlad at produktibo ang isang bansa kung walang matinong mamamahala rito. Ngunit sino nga ba talaga ang dapat na mamahala? Ano ang dapat na katangian niya o nila?

Sa panahon ngayon, nararapat lamang na ang mga mamamayan ng ating bansa ay maging sensitibo lalo na sa pagpili ng mga taong mamamahala sa atin. Kinakailangan ang masusing pag-iisip sa pagpili upang hindi tayo magsisi sa bandang huli, upang hindi na tayo magsasagawa ng mga kilos protesta sapagkat hindi natin gusto ang mga taong namamahala sa atin.

Ano ba ang mahalaga para sa taong iboboto at bumoboto?

Para sa taong nangangampanya marapat lamang na malinaw ang kanyang layunin para sa bansa. Ang MAKAPAGLINGKOD AT MAGING TAPAT SA BAYAN. Lalong nararapat na hindi KAPANGYARIHAN AT PERA ang dahilan ng kanyang pangangampanya. Hindi na bago sa atin ang ganitong usapin. Maraming politiko sa ating bansa ang naging ganito ang sistema at kinalabasan ng kanilang panunungkulan. Matapos magbibitiw ng mga pangakong napako sa sambayanan ay katakot takot na pangungurakot pa ang isinukli sa kaban ng ating bayan. Mga perang nilustay para sa pansariling kapakanan at hindi para sa kapakanan at pangangailangan ng mga taong naghirap mapunan lamang ang kaban ng bayan. Ginagamit ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila ng mga mamamayan upang manlapastangan at makapanakot sa mga ito na tila ba mga walang utang na loob sa mga taong nagluklok sa kanila. Hindi na rin bago ang pagpapasa ng katungkulan sa buong angkan mula sa ama o ina, ipapasa sa anak hanggang sa mga apo para lamang mapanghawakan ang kanilang kapangyarihan sa kanilang lugar. Nakalulugmok isipin ang ganito.

Para naman sa atin na bumoboto at may kakayahan o kapangyarihan na mamili kung sino ang nais nating ihalal,dapat din tayong maging makatwiran, tapat at responsable sa mga politikong ating pipiliin. dapat nating isipin na hindi sapat ang kanilang mga ipinapangako kung wla namang kasunod na aksyon ang mga ito lalo na kung naihalal na sa unang pagkakataon ang kandidato, nanalo ngunit walang nagawa sa kanyang panunungkulan at muling nangangampanya para sa darating na halalan. Bakit pa natin hahayaang maihalal ang ganitong uri ng kandidato? Tayo rin ang may kasalanan kung minsan. Nagpapadala tayo sa mga panunuhol. Suhol na mabuti para sa isang linggo o di kaya'y isang buwan ngunit ang kapalit ay tatlo o anim na taon na pagdurusa. Tignan din natin ang kanilang DIGNIDAD at SINSERIDAD sa bawat pangakong ibinabato nila sa atin. Dignidad na hindi lang nagpapakita ng respeto para sa kanilang mga sarili kundi pati sa mga mamamayan na kanilang paglilingkuran at sinderidad bilang pagiging tapat at totoo sa kanyang mga sinasabi.

Samakatuwid, tayo ang may karapatan. Tayo ang may kakayahan. Tayo ang may kapangyarihang mamili kung sino ang nararapat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento