“Maganda sa pangit...... magaling dumiskarte, gwapo sa pangit...... mabait, maganda sa gwapo...... itinadhana at pangit sa pangit...... tunay na pag-ibig,” mensaheng natanggap ko sa cellphone na nakapagpangisi sa akin. Nakapagdulot man ng ngiti ngunit naging sanhi din upang ako’y mapaisip, kung ang mensahe bang ito ay may katuturan sa aspeto ng pagmamahalan?
Maganda sa pangit....... magaling dumiskarte, totoo nga bang sa diskarte lang nakukuha ang magaganda? Maaari ngunit madameng pwedeng dahilan ang lahat, may negatibong dahilan katulad na lamang na my kailangan lamang ang isang tao sa kaparehas niya o ‘di naman kaya ay magaling nga talagang dumiskarte si kuya kaya napasagot niya ito. Hmmmmmm....
Gwapo sa pangit...... mabait, sadya nga bang mabait si ate at nabihag niya ang puso ni kuya? Kagandahang asal ang naging basehan ng kanilang pagmamahalan. At bihira ngayon ang ganitong sitwasyon. Hmmmmm....
Maganda sa gwapo...... itinadhana, kaygandang isipin ang magiging bunga ng dalawang nagmamahalan na ito ngunit talaga nga bang nagmamahalan sila? At talagang tinadhana sila ng Maykapal sa isa’t isa? O sarili nila ang nagtadhana sa isa’t isa?
Pangit sa pangit...... tunay na pag-ibig, sadya nga bang tunay na pag-ibig na maituturing ang pagmamahalan ng dalawang pangit? Hindi ba tunay na pag-ibig ang unang tatlong nabanggit? Tunay nga bang pag-ibig ang iyong makakamit sa pangit?
Isipan ay may mga naglalarong tanong, kung bakit kailangang husgahan ang pag-iibigan. Bakit kailangang maging mapuna pagdating sa pagmamahal? Malaking parte ba ng pagmamahal ang pisikal na kaanyuan upang maging basehan kung dapat mahalin ng isang tao ang nais ibigin? Hindi ba pwedeng magmahal ayon na lamang sa nararamdaman at hindi sa pag-iisip kung anong sasabihin ng iba pagnakipagrelasyon ka sa kanya?
Lahat ay may karapatang magmahal sa maganda man, gwapo man o pangit man. Magaling man dumiskarte o may kagandahan talagang kalooban, hanggat tunay na pag-ibig ang sandigan... Panginoon lamang ang may karapatang humusga at magtimbang.
“Love comes at the wrong place and in a wrong time,” paniniwala ng karamihan. Hindi namimili si kupido ng taong DAPAT ay mahalin mo, ikaw mismo ang makararamdam ng tunay na pagmamahal sa pagbabalat-kayo lamang. Mukha mo lang ba ang mamahalin imbis buong pagkatao? O tipong lahat ng tungkol sa’yo ay mahal nya, kahit pinakatinatago mong sekreto’y minahal na din nya, maging totoo lang sa paningin ng iba at ipagsigawang “MAHAL KO SIYA KUNG SINO SIYA,” at hindi magmaskara sa harap ng iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento