Biyernes, Setyembre 30, 2011

May Langit din.. ni Rochelle T. Patubo

May langit di,
sa kabila ng kumukulong tiyan
sa kabila ng isang platong pagkain,
pagkaing sa isang tao lamang sapat,
pinaghahatiaan ng isang pamilyang salat

May langit din,
sa mga kapitalistang 
hangad lagi ay salapi
higit sa tatlong besse sa isang araw kung kumain
habang ang maralita ang sa bukid ay nag aani

Pag ahon sa kahirapan ay hindi madali
lalo pa't ang amo ay malupit
subsub sa trabaho, babad sa init
kabayaran sa pagod at hirap
hindi ikaw ang magkakamit

May langit din,
oo, may langit din
kapag ang bawat tao'y kuntento na
rinig ang hinaing ng bawat isa
nirerespeto ang karapatan ng bawat manggagawa

May langit din,
kumayod at wag manlamang
magtulungan at kapwa makinabang
sa pag unlad ng Pilipinas
oo. May Langit din..

Philam Town Houses VS. San Roque Squatters ni Rochelle Patubo

..tignan mo ang iyong palad,
kalyado mong kamay sa hirap ng buhay,
ang dami mong problema.
nakuha mo pang ngumiti
NOYPI ka ngang ASTIG!

           Awiting pulit-ulit na umaalingawngaw sa gunita habang binabagtas ang kahabaan ng edsa.

          "Philam hoh estudyante", berdeng mga bubong, mataas na gate, matitikas na Secutiry Giards,
Philam Townhouses. Lugar kung saan masasabing marangya ang pamumuhy ng mga taong nakatira,
kung hindi man ay masasabing nakasasapat.

         Isang Overpass lang ang pagitan nito sa masukal, dikit-dikit at maingay na mga tahanan sa
San RoqueSquatters area. Lugar ng mga mamamayang hindi gaanong pinalad, kung saan naglipana rin ang
mga taong kapit sa patalim ang kinalakhang business.

           Isang malinaw na representasyon ng hubad at malinaw na katotohanan hinggil sa kahirapan.
Dalawang lugar na hindi malayo sa isa't isa ngunit kaginhawaan sa buhay ay hindi pantay na natatamasa.

           Batid natin ang kahirapanng nararanasan ng ating kapwang kapos kapalaran ngunit sadyang may
mga taong mahilig manamantala, mga taong ni pagkaing isusubo sa bunganga ay wala, pinagkakakitaan pa,
 bahay na ni hindi matuirhan ng isang buong pamilya babayaran pa ng renta.

          Proffesional squatters ang tawag sa kanila, mga taong inaangkin ang lupaing hindi naman kanila,
pinatatayuan ng mga mumunti at dikit-dikit na bahay at saka parerentahan at pagkakaperahan at
 maaring iba rito ay sa isang Philam Townhouse din ang naipundar dahil sa ganitong gawain.

           Ito ang impluwensyang ng minudmud ng mga kapitalista sa isipan at mentalidad ng ibang mga
 Pilipino, ang makina bang una ang sarili kahit manlamang ay gagawin, makamit lang ang inaasam
na kapangyarihan at karangyaan.

           Ang makawala sa dilim at tuyot na pamumuhay sa San Roque Squatters at makamtan
ang inaasam na marangyang lote sa Philam Town Houses.

TOURIST ATTRACTION ni Eardon Jan V. Reyes

Sa pagitan ng letra,
 may e s p a s y o;
Sa pagitan ng iringan
ng mga tao,
 nalikha ang Diskriminasyon.


Nagwangis si Inay nang
 magkaroon ng demolisyon,


'Di makapaniwala si Ama
 noong si Juan ang s'yang nanguna sa aksyon,


Hindi na nagulat si Lolo kasi,
 tapos na raw ang Eleksyon,


Nahimatay si Ate! nang,
 makita n'yang paparating na ang mag-leleksyon,


Nagwala si Kuya! nang,
 sinisira ng kapulisan ang " Tourist Attraction"!


Ipaglaban!!
 Tinuligsa namin ang nagpakilalang
 Panginoong may lupa,


Ipaglalaban!!
 Hinarang namin ang mga
 armadong sumusubok tumangay
 ng aming mga mahal sa buhay,


Lumaban!!
 Dumanak ang dugo! Nanlabo ang paningin ko,
 tila ako'y mabibigo sa sandaling bitawan ko
 ang aking kutsilyo.


  Asan na ba ako?
   Nasa impyerno na ba ako?

Baboy 'Yan Ayland ni Eardon Jan V. Reyes

Selyadong mga bibig,
tinakot ng tampalasan
ang tupang nagmamakaawa,
pilit isinisiwalat ang hinaing sa dibdib.


Ginapos ang karapatan ng walang sala
ng maperang ipokrita
at pinalaya sa kuralan
ang mga maruruming baboy.


Dininig ng mahistrado
ang bulong ng suhol,
tinuligsa ang batas,
ipinagkalulong ang mga anak
ng inahin at
ikinubli sa selda ang mga kuting.


Ibinuka ng buwaya ang kanyang bibig
na puno ng pangil at
walang pakundangang sinakmal
ang kaban ng bayan at
inangkin ang sangkalupaan
na pinaghirapan ng mga mamamayan.


 Muli,
   Umupo sa kapangyarihan
ang sugapang tampalasan,


"Nalalapit na ang paghuhukom!
ang hindi susunod ay ipakukulong,
walang espada't kalasag ang
sainyo'y magliligtas!
Ako ang siyang paglilingkuran,
sasambahin at susundin o!
harapin ninyo ang kawit ng
KAMATAYAN!" 

BOSES NG AKING KABABAYAN (Sanaysay-Malaya) ni Jerold Noble Dramayo

Mga boses sa kalsada na maririnig na sumisigaw, ngunit hindi maituturing na ingay, “Noise Pollution” na nakabubulahaw. Pagkat ingay nila’y hindi basta-basta’t trip-trip lang, pagkat sila ang boses ng mamamayan na solusyon sa problema ang ipinaglalaban.

Isang napakalaking bahagi ang ginagampanan ng pamahalaan sa ikabubuti ng ating bansa at ng mga mamamayang nakapaloob dito. Gumagawa, nagpapasa, at nagpapatupad ng mga batas, mga patakarang dapat na sundin ng mga mamamayan pati na ang mga dayuhang naninirahan dito. Mga alituntunin na nararapat lang na pinag-iisipang masusi bago pa man maipasa sapagkat ang ikabubuti ng nakararami ang nakasalalay sa mga desisyong pinaghahawakan ng mga namumuno. Ang mga namumuno ay dapat lamang na nasala ng mabuti bilang isang responsible at matalinong tao hindi lamang upang magamit sa pamumuno maging sa pagiging mabuting modelo ng mga mamamayang pinamumunuan nito.

Ngunit dahil hindi perpekto ang mga bagay-bagay dito sa mundo, malamang sa malamang ay hindi tayo makaaasa na ang ating pamahalaan ay perpekto sa katangian ng mabuting mamumuno ng bansa. Hindi maiiwasang makita ang negatibonng banda ng Gobyerno. Mga buwayang lider na naglipana at walang ginawa kundi lamangan ang mga kawawang mamamayan. Sila yaong kunwari’y naglilingkod ng mabuti ngunit kapag nakatalikod na’y bumubulsa sa kaban ng bayan kaya’t patuloy na naghihirap ang mga mahihirap at sila’y patuloy pang nagpapayaman.

Ang mga ganitong suliranin ng bansa ang mga bagay na nagpapakilos at nagtutulak sa mga mamamayang lubos ang pakialam sa kanilang bansa higit sa kanilang mga kababayan. Sila yaong hindi makapapayag na magpa-api at mag-pasawalang bahala habang kitang-kita ng dalawa nilang mga mata ang mga kahinaang ipinakikita ng mga tao sa gobyerno, kung paano sila nanlalamang ng mga mahihinang mamamayan at kung paano nila inaabuso ang kanilang posisyon upang magawa nila ang mga bagay na nais nilang gawin, labag man ito sa batas.

Ang mga tinatwag nating “Aktibista” na nagsisigawan habang hawak ang kanilang mga karatula kung saan nakasulat ang nais nilang ihayag, ay ang mga mamamayang may lakas ng loob upang maiparating sa mga tao sa gobyerno na mayroon silang mga pagkukulang bilang mga namumuno sa bansa. Sila ang boses ng sambayanang Pilipino na lumalaban sa hindi makatarungang gobyerno na alam nilang hindi makatutulong sa mga tunay na pangangailangan nila. Sila yaong mga handang gawin ang mga posibleng paraan na kahit na maubos ang kanilang boses marinig lamang ng mga nagbibingi-bingihang buwaya sa pamahalaan ang kanilang mga hinain at damdaming nais maipahayag. Dahil para sa kanila, ang buhay ay hindi lamang para sa pansariling kabutihan, dahil ang ikabubuti ng nakararami ang siyang mas mahalaga pa rin sa ikauunlad ng lahat.

Ang pamumuno nga ay isang mahirap na gampanin ng isang tao, ngunit nagiging madali kapag tama ang paraan at prinsipyo ng isang namumuno. Kaya’t hindi maiiwasan na nakapipili tayo ng mga hindi karapat-dapat na pinuno na hindi kayang gampanan ang kanyang obligasyon sa bansa at sa ating kanyang nasasakupan. Nagiging sanhi para tayo’y tumayo at sumigaw upang kahit na papaano’y mayroon tayong ginawang hakbang upang maipaglaban ang alam nating tama at maituwid ang alam nating mali.

Hindi patas ang mga paratang ni: Cindy Aliligay (Sanaysay-Politiko)


"KUNG WALANG CORRUPT,WALANG MAHIRAP."

Mga katagang umaalingawngaw sa aking isipan sa tuwing nakakakita ko ng mga pulubi sa daan,nanlilimos ng kakarampot na barya upang may ipambili ng pagkain. Kapag nakakakita ako sa telebisyon ng mga bahay na sumasailalim sa demolisyon.Sa tuwing Sa tuwing nakakarinig ako ng mga balita tungkol sa holdpan sa kung saan-saang lugar. sa tuwing nakakakita ko ng mga kabataang nagsisiksikan sa maliit na silid-aralan,walang sapat na bentilasyon at ilaw man lamang. At sa tuwing kumakalam ang aking sikmura.

MADUMI ANG PULITIKA. MANDURUGAS ANG MGA PULITIKO. WALANG KWENTA ANG GOBYERNO. Kesyo ganyan,kesyo ganoon. Maraming Pilipino ay iyan ang paniniwala sa panahon ngayon. Wala na raw tayong dapat asahan pa sa ating gobyerno. Kahit naman daw kasi magpalit-palit ang mga namumuno ay pare-pareho lamang silang corrupt; manloloko.

MADUMI ANG PULITIKA. Sinasabing maraming "magic" daw ang nagaganap dito. Isa sa mga pinakasikat ang pagtataas ng badyet sa mga proyekto,may kasamang kick-back. Kunwari ganito ang presyo, ginawa na palang negosyo.Madumi nga daw ang pulitika

MANDURUGAS ANG MGA PULITIKO. Bukod nga sa pag-mamagic ay marami pa raw silang kayang gawin. Ang pumatay-madalas ang kanilang mga kalaban ay kanilang pinapapatay upang manalo sa posisyon. Manggamit ng tao-madalas raw ang binabayaran nila nag ilan upang ipagawa ang mga gusto nila. Magmalinis-sa tuwing magpapakita sa mga tao ay nagpapakitang-tao sila. Maging mabuting manlilingkod ng bayan-sa tuwing haharap sa mga opisyal ay ipinagbmamayabang ang mga "achievement" daw nila.

HINDI PATAS. Hindi patas ang mga paratang na tulad nito sa aming mga tunay na naglilingkod sa bayan. Sa mga pulitikong malinis ang konsensya't gawain. Na ang tanging hangarin ay makapaglingkod at mapaunlad ang ating bansang Pilipinas. Sila na pinagdududahan kahit hindi naman talaga gumagawa ng masama. Hindi ito patas para sa amin.

Nakakalungkot isipin na ganito na ang nakatatak sa isip ng marami nating kababayan.Linalahat nila ang mga pulitiko, samantalang may iba namang naglilingkod ng tapat at totoo. Siguro'y kailangan nating suriing mabuti kung sino ang pulitiko at mga namumulitiko lamang. At higit sa lahat, huwag nating buong iasa sa kanila ang pag-unlad at pag hindi nangyari'y sisisihin sila. Bagkos, magtulungan tayong mga Pilipino patungo sa isang bansang sagana at maunlad. Pilipinas.

Estado nga ba sa buhay ang labanan? ni:Cindy Aliligay(Tula)

Kaming mga mayayaman
Lahat ng luho ay nakakamtan
Kapag kami ay may kailangan
Sa isang iglap lang ito'y nasa amin nang harapan
Sa isang pitik ng daliri, ito sa amin ay inihahain na

Lahat ng aming gustuhin ay aming nakukuha
Hindi na namin kailangang paghirapan
Walang patak ng pawis ni isang luha
Samantalang ang mga mahihirap
Isang kahig, isang tuka

Kami namang mahihirap, sa mga luho ay salat
Upang makuha ang naisin
Masusunog muna aming balat
Tagatak ang pawis, ang dugo't luha
Ngunit iyon ay kailangan upang pangangailangan nami'y matugunan

Oo nga't mahirap lamang kami
Maliliit na tao lamang sa inyong paningin
Ngunit nama'y nagkakaisa
May isang mithiin,
Iyon ay magsikap upang maging abot-kamay aming pangarap na bituin

Ngunit ano man ang estado ng iyong pamumuhay
Ang Maykapal hindi naman dito nagbabatay
Basta ba ang puso't diwa ay malinis
Sa kanyang kapwa hindi gumagawa ng masamang gawain
Tiyak na ang Diyos,ikaw ang pagpapalain!

Ang tunay na basehan ni: Cindy Aliligay (Tula)



Nakakaakit, nakakahalina
Iyan ang naidudulot ng kagandahan
Magandang ilong, mata at labi
Saan man magpunta
Sila'y pinupuri

Matipunong katawan
Iyan ang unang tinititigan kay Adan
Malaporselanang kutis, katawang maganda ang hugis
Ang mga babaeng biniyayaang magkaro'n nito
Ay tiyak na tinutugis

Mga ngiti nilang kaaya-aya
Nakabibighani, nakagagayak
Tingin pa lang nila'y nakatutunaw na
Saksakan ng yumi at kagwapuhan
Ah! Sila'y pinagpalang talaga!

Ngunit mayron'n din namang ilan na hindi masyadong nabiyayaan
Nang magpasabog ang Diyos ng kagandahan, malamang ay natutulog sila
Hindi masyadong napapansinKahit ilang beses pang umiling
Sila'y mga ordinaryong mukha lamang sa ating paningin

Sadyang hindi lang siguro talaga natin maiwasan
Ang masilaw sa kagandaha't kagwapuhan
Sila ang laging pinipili at pinapansinInilalagay sa tuktok, sa pinakarurok
Kaya naman ang mga salat sa kagandahan, laging nalulugmok

Panlabas na anyo lamang ba ang tunay na basehan?
Hindi kaya kung ano ang nasa loob ay kailangan din nating tignan?
Hindi naman siguro nasa pisikal na anyo lamang ang tunay na labanan
Sa karakter, utak at puso
Diyan magkakaalaman.

Huwebes, Setyembre 29, 2011

"Ang Kalapati, Baril at Kaming mga Rebelde"(Malayang Sanaysay) ni Jimson Buenaobra




Ang Kalapati, Baril at Kaming mga Rebelde  (Malayang Sanaysay)
 ni Obra 2011goodmasterpiece

Katulad ng dati, at ayon na rin sa sabi-sabi sa sitio naming katulad ko ring mangangalapati, babalik raw ang kalapati pag kabisado na nya ang amoy at hitsura ng bahay nya, ganoon na rin ang kanyang amo, lalo pa’t kung may itlog itong dapat pang limliman.


“… Tay, kelan daw ba babalik ang Nanay? Wala pa syang telegrama sa akin ah, gusto ko po sana syang pasalamatan sa pinadala nyang paborito kong  Mask Rider na robot na tanging sa Hong Kong lang mabibili…”
“ Sa pasko pa ang balik n’ya” wari ni tatay.
 _________________________________________________________________________________


Hanggang sa tinubuan na ako ng buhok sa kili kili, ay sariwa pa sa aking alaala ang mga kataga na binigkas sa akin ni Nanay nung walong taong gulang pa ako, sabi n’ya, sabay-sabay raw kami nila Tatay na kakain ng hamonado sa pasko at sasamahan nya rin daw akong manghingi ng aguinaldo sa mga Ninong at Ninang ko.

Ngunit lahat na ng okasyon sa kalendaryo ay nagdaan; wala pa rin kaming balita kay Nanay. Nagka-katarata na nga si Tatay pero malinaw ang kanyang paniniwala na babalik si Nanay katulad ng ibang Pilipinong lumuwas ng bansa; at katulad na rin ng mga kalapating kabisado ang daan patungo sa kanyang mga inakay; pero lahat ng malinaw naming paniniwala ay binulag ng masamang balita: “Isang OFW, Pinatay ng Militar dahil inakalang utak ng kilos-protesta sa Hong Kong.”

Kahonado na si Nanay nang bumalik, katulad ng mga nalulusaw na kandila; mga mata ko’y lumuluha. Minsan nga tinanong ko kung ganoon ba talaga kahirap maging isang Pilipino, kung ganoon ba talaga kahirap maging biktima; - kung ganoon kahirap maging mahirap. Hindi ko alam ang sagot. Mahirap.

Nagsimula akong mangarap, hanggang sa kinilala akong manananggol at boses ng mga inaping OFW, hindi nga naging madali para sa akin ang lahat, wala na akong Nanay, at pakiramdam ko, walang ginagawa ang mga nasa pwesto kundi makipag sosyalan at mangitain ng salapi, kaya doon ko hinugot ang buntong ng galit ko, mainit ang mata ko sa kanila, wala kasi nsilang ginawa para ipagtanggol ang kababayan nila.

Binuhay ko nalang ang emosyon ko sa pagsusulat at paglalaro ng mga armas sa masukal na kabundukan, hawak ang banderang may VIVA CPP-NDF! Nakasuot ng fatigue at may lasong pula sa braso, at ang ikinakukulo ng fugo ko ang kapwa kong pango at kayumanggi na nabihisan ng barong,naka-amerikana at nag papa easy-easy lang sa malakanyang.

Natuto akong mabuhay sa bundok at kinilalang rebelde sa kapatagan, sangkot ako sa mga pamamaslang at aminado akong emosyon ang umiiral sa aking  katauhan at hindi ang katinuan ng pag iisip. Marami na kasing boses ang hindi nila naririnig, tulad ko, hindi nila alam kung anong hinanakit ang mga pinagdaanan ko, dahil wala silang ginagawang pagtatanggol kay Nanay. Silang mayayaman ang ugat ng oligarkiyang pumipinsala sa bawat pamilya ng OFW, at bakit? kung hindi sa kanila, hindi aalis si Nanay, o kung sino mang Pilipinong nais magpakahirap sa mga bansang nag niniyebe, mga bansang ang nakatira ay hindi natin kalahi.

Ipinapangako ko, hindi ako susuko, hindi ako bababa sa bundok hanggat hindi pantay ang tungin sa lipunan at sa Gobyerno, mahal ko ang Pilipinas, lalo na ang nga taong inaabuso, nangungulila, at namatayan. Tulad ko. 

Pananaw NIla..Sila Yun

Pananaw Nila...Sila Yun
ni: sarahjanecalago

AB English ay mas magaling
Kesa sa AB Filipino students
Sapagkat itong ABE is speaking in  English
At itong mga ABF ay Filipino nerds lang
Malamang sa natural
Gagamitin nila ang mga wika na kanilang pinagdadalubhasaan
Upang sa mga propesor nila’y maipakita
Na sila’y may natutunan
AB Filipino students ay kakaunti
Section nila ay iisa at estudyante ay di lalabis sa kwarenta
Kaya naman sa mga patimpalak at Mr. & Ms.
Kontestants daw nila ay paulit-ulit?
Ang dating uniporme na suot ng mga taga Chowking
Sana’y hindi na pinalitan
Dahil ABF ay nagmukang yakult vendor na din
Hindi ba’t kulay red ang vest ng mga yakult vendor?
At sa ABF ay kulay brown, hindi magkasing- kulay
Pero teka, ABE ay kulay brown din naman ah
Brown nga, pero iisang kulay na brown lang
Sa ABF ay iba ibang shade ng brown
May light brown, dark brown
Super dark brown at super light brown
Takenote: chocolate brown ang dapat na description nyan ha
ABE ay mga gwapo at magaganda, maraming mapagpipilian
ABF ay none of the above talaga
Sa mga aktibidad ng CLL
ABE ang laging bida bida
Siyempre sila ang nag-organisa
ABF saan ka pa?
OO NA
Sila na ang mga bida, hari at reyna
Madami sila
Majority wins nga diba
Pero hihirit lang ako
Maliit man ay nakakapuwing din
Kaunti man ang ABF sa talumpati sila ay wagi
CLL na kolehiyo dala niyang pangalan
Hindi ABE o ABF
Sana’y ang pagkakampeon ni Dave Baustista ay maging daan
Upang ABE at ABF ay magkaisa
Tama na ang patutsadahan
Ito ay walang patutunguhan
Dahil ABE at ABF sa iisa lang mabibilang
Kolehiyo ng mga Wika at Linggwistika
Kapwa nilang tahanan


Sa kabila ng kanilang Ginagawa
ni: sarahjanecalago

Bakit kaya ganoon ang mga Amo at Ama?
Amo at Ama na palaging may utos kapag nagsasalita
Nagsasalita sa mga katulong na itinuturing nilang Muchacha
Muchacha…Katulong…Muchacha…Katulong.

Katulong na ang Amo ay itinuturing nilang kapamilya
Kapamilya na buong pusong inaaaruga’t pinagsisilbihan
Pinagsisilbihan kapalit ang kakarampot na sahod
Sahod na pinapadala sa mga mahal na nasa probinsya.

Probinsya na ilang bundok at ilog ang layo dito sa Maynila
Maynila na tinahak at sinuong nitong muchacha
Muchacha na handang makipagsapalaran
Makipagsaplaran di lamang sa trabaho kundi pati sa inaasta ng kanyang amo.

Amo na siya’y masuwerte kung ito ay mabait
Mabait; makatao at mapagpahalaga sa kapwa
Kapwa, kapwa tao ang turing sa kanya
Kanya naming malas kung sa demonyong amo siya’y mapadpad.

Mapadpad sa kapaguran di lamang ng katawan kundi pati puso’t isipan
Isipan na laging nagtitimpi at nagdidikta sa puso na habaan ang unawa at huwag kaagad magalit
Magalit nang sobra sa among sa kanya’y nag-uutos ng husto
Husto lang sana ang pag-uutos na walang bahid na abuso.

Abuso na di lamang sa inuutos na gawain
Gawain na minsa’y katawan ang pagkikilusin
Pagkikilusin di lamang sa mga gawaing bahay
Bahay parausan minsan kadalasan ginagawa sa kanyang katawan.

Katawan,ang  pagod laging katawan
Katawan na minsan kadalasan pinagnananasaaan ng among lalaking manyak sa kamanyakan
Kamanyakan na kapag tinanggihan o isusuplong; manganganib panigurado itong buhay ng katulong
Katulong na walang magawa kundi sundin ang utos ng among walang alam na gawa.

DAPAT MONG MALAMAN JUAN (Pampulitiko) ni : Janella Mae Cadiente


Sampung mga daliri putol lahat sila
binging tainga, bulag na mata, ilong na inopera
maliliit na ngipin walang makain
dilang maliit nagsasabing ako nala’y magsisinungaling

Idineklara ng United Nations ang pilipinas bilang isa sa mga third world country, nangangahulugan itong ganap na nga ang ating pagiging mahirap. Ito ay hindi na isang bagong balita. Nakatatakot  dahil tila niyayakap na nga natin ang titolong ito. Niyayakap na nga kaya natin ang kahirapan? Wag naman sana.
Ang isang pamilpang Pilipino na mayroong apat na miyembro ay nangangailangan ng  apat na daang piso bawat araw upang matustusan ang kanilang mga PANGANGAILANGAN.Pangkain ng tatlong beses sa isang araw (apat kung may miryenda), konsumo sa tubig at kuryente, baon ng mga anak na nag-aaral, pambili ng shampoo,sabong panligo, sabong panlaba at iba pang mga gastusin. Sapat na ang halagang nabanggit para sa mga ito. Yun nga lamangkailangan pa ni ate ng  pan-load sa cellphone, kailangan ni bunso ng pangrenta  ng kompyuter sa labas,kailangan ni tatay ng pambayad sa kinuhang hulugang TV set at dvd player, si nanay naman kailangan ng pangtongits para malibang.
Sinong nagsabing mahirap ang bansang isa sa mga tinaguriang texting capital of Asia? Sinong nagsabing walang makain ang isang pamilyang may pambili pa ng yosi at alak ang padre de pamilya?  Sinong nagsabing  walang pambaon at pang-aral ang mga batang nagagawa pang makapaglaro ng video games? Sinong nagsabing mahirap si Juan?
Ayokong yakapin ang titolong ikinorona sa perlas ng silanganan. Hindi ako naniniwalang lugmok tayo sa kahirapan. Lugmok tayo,ngunit hindi sa kahirapan dahil ang tunay nating kinalulugmukan ay ang tinatawag na putik nang kamang-mangan. Biniyayan tayo ng mga kakanyahang magagamit sa pagpapaunlad ng SARILI NATING BANSA, ngunit mistulang isa-isang  pinuputol ang mga daliri ng pag-unlad dahil sa paglisan ng ating mga kababayan. Demokrasya ang isinusubo sa atin ng kasaysayan , ngunit tila hindi manguya nang maayos ng mga bingi at bulag na Pilipino. Pango ang ating mga ilong ngunit pinipilit nating patangusin upang magaya ang pinagkakapitaganang ibang mga lahi. Pinipili nating  punan ang tawag ng kumukulong sikmura kaya’t nagagawang manlamang at palipasin nalamang ang gutom na nararamdaman ng diwa at kamalayan. Hindi tayo mahirap, hindi lamang malinaw sa atin kung ano ang dapat nating pagtuunan.

Maganda ang Pilipinas kaya nga tayo pilit na sinasakop noon ng mga dayuhan. Mayaman ang mga Pilipino siksik liglig tayo sa talento at katalinuhan. Isa nalamang ang dapat nating matutuhan, ito ay ang  wastong paggamit ng mga biyayang ito.
HINDI KA MAHIRAP, ito ang dapat mong malaman Juan. 

 -piso


Tula ni Pilipinas : Janella Mae Cadiente


Tula’y di sasapat upang ako’y balikan
Tula’y di sasapat upang ako’y pakinggan
Tula’y di sasapat upang ako’y maintindihan
Ngunit tula’y sapat na upang damdami’y gumaan

Hindi ito sapat upang ika’y umuwi
Mayaman sya’t mahalina di kita masisisi
Magulo dito sa akin ito’y aking inaamin
Ngunit asahan mo anak lahat ay gagawin

Hindi ito sapat upang ika’y makinig
Abala ka sa pag-intindi ng sarili’t hilig
Iyan naman ang nais koang ika’y mapabuti
Sana lang anak ako pari’y iyong isipin

Hindi ito sapat upang saki’y mag-alala
Alam kong pangarap mo ang mas inaalala
Hindi ko kayang ibigay ang lahat ng ninanasa
Kaya anak handa ako noong ikaw ay nawala

Di ako aalis di ka man bumalik
Di ako sisigaw si ka man makinig
Di ako titigil di ka man mag-alala
Alam ko kasi balang araw babalik at babalik ka anak




-piso

tu-TULA-la ni: Janella Mae Cadiente

Magulong paligid
Maling di nababatid
Dignidad na nanlilimahid
Tulala


Masebong sistema
Basag na pagkakaisa
Nagnananang pag-asa
Tulala

Nilalakong hustisya
Pinopoong pera
Sinasambang basura
Tulala

Kalayaang nakabigti
Talinong nakatali
Moral na binili
Tulala

Dugong kinalimutan
Bansang sinugatan
Pilipinong tanga-tangahan
Tulala

Ako’y natulala
Kaya tumulala
Saka sumaka ng basurang tula




-Piso


MAHAL KO SIYA KUNG SINO SIYA ni:Thricia E. Argoso

          
          “Maganda sa pangit...... magaling dumiskarte, gwapo sa pangit...... mabait, maganda sa gwapo...... itinadhana at pangit sa pangit...... tunay na pag-ibig,” mensaheng natanggap ko sa cellphone na nakapagpangisi sa akin. Nakapagdulot man ng ngiti ngunit naging sanhi din upang ako’y mapaisip, kung ang mensahe bang ito ay may katuturan sa aspeto ng pagmamahalan?
          Maganda sa pangit....... magaling dumiskarte, totoo nga bang sa diskarte lang nakukuha ang magaganda? Maaari ngunit madameng pwedeng dahilan ang lahat, may negatibong dahilan katulad na lamang na my kailangan lamang ang isang tao sa kaparehas niya o ‘di naman kaya ay magaling nga talagang dumiskarte si kuya kaya napasagot niya ito. Hmmmmmm....
          Gwapo sa pangit...... mabait, sadya nga bang mabait si ate at nabihag niya ang puso ni kuya? Kagandahang asal ang naging basehan ng kanilang pagmamahalan. At bihira ngayon ang ganitong sitwasyon. Hmmmmm....
          Maganda sa gwapo...... itinadhana, kaygandang isipin ang magiging bunga ng dalawang nagmamahalan na ito ngunit  talaga nga bang nagmamahalan sila? At talagang tinadhana sila ng Maykapal sa isa’t isa? O sarili nila ang nagtadhana sa isa’t isa?
          Pangit sa pangit...... tunay na pag-ibig, sadya nga bang tunay na pag-ibig na maituturing ang pagmamahalan ng dalawang pangit? Hindi ba tunay na pag-ibig ang unang tatlong nabanggit? Tunay nga bang pag-ibig ang iyong makakamit sa pangit?
          Isipan ay may mga naglalarong tanong, kung bakit kailangang husgahan ang pag-iibigan. Bakit kailangang maging mapuna pagdating sa pagmamahal? Malaking parte ba ng pagmamahal ang pisikal na kaanyuan upang maging basehan kung dapat mahalin ng isang tao ang nais ibigin? Hindi ba pwedeng magmahal ayon na lamang sa nararamdaman at hindi sa pag-iisip kung anong sasabihin ng iba pagnakipagrelasyon ka sa kanya?
          Lahat ay may karapatang magmahal sa maganda man, gwapo man o pangit man.  Magaling man dumiskarte o may kagandahan talagang kalooban, hanggat tunay na pag-ibig ang sandigan... Panginoon lamang ang may karapatang humusga at magtimbang.

          “Love comes at the wrong place and in a wrong time,” paniniwala ng karamihan. Hindi namimili si kupido ng taong DAPAT ay mahalin mo, ikaw mismo ang makararamdam ng tunay na pagmamahal sa pagbabalat-kayo lamang. Mukha mo lang ba ang mamahalin imbis buong pagkatao? O tipong lahat ng tungkol sa’yo ay mahal nya, kahit pinakatinatago mong sekreto’y minahal na din nya, maging totoo lang sa paningin ng iba at ipagsigawang “MAHAL KO SIYA KUNG SINO SIYA,” at hindi magmaskara sa harap ng iba.

Dear Mendiola ni: Jimson Buenaobra















Dear Mendiola;

                                                       Bukod sa mahirap, kami ay api.

I.
        Narito nanaman ako
at kasama ko sila, para ibandera
ang puting watawat na
nagkulay pula;
‘wag ka nang magtaka
Kung bakit araw -araw kaming bumibisita
Sa puntod mo,
dahil katulad ng kahapon
Kami ngayo’y nagwewelga


Dear mendiola;

     Nagustuhan mo ba
yung mga kwento’t hinaing
Na naging musika sa yong tenga
Mga dugo na  tu
                        mu
                             tu
                                 lo

at dumilig sa yong lupa;
mga dugo
na umagos sa Luisita at
 humalo sa
nagtataasang gasolina;
mga dugong namuo sa aming
mga laman,
Mga dugong pumintura
sa sahig ng dahil sa barikada


Dear Mendiola,

     Kakampi ba kita?
baka kasi nagsasawa ka nang
pakinggan ang aming boses na tila
panaghoy ng marubdob na orkestra,
Marami na kasing nalagas
sa aming magkakasama
para lang ipagtanggol
ang karapatan
ng aping magsasakang
lupa ang sinisinta;
mga taong biktima ng pang aalipusta
mga biktimang hindi kayang pakinggan
ng taong namumuno
sa ating bayan.

Dear Mendiola;
     Kailan magkakaroon ng sagot
ang mahiwagang tanong
kung lalaya ba kami sa gutom;
kung maitutuwid ang landas ng hukom
kalian makikita ang mga binilanggo,
na inulol ng salapi?
         ________
Naiinip na ako, Mendiola...
         ________

Dear Mendiola;

  Papunta na kami dyan
baka sakali ngayong araw ay
kami naman ang pakinggan
ng mga pinunong hindi marunong
umintindi sa kanyang nasasakupan.


Martir ni: Thricia E. Argoso



Tunay na pag-ibig
Pag-ibig ko sa iyo
Iyo lang ang mga katangiang
Katangiang hanap ko

Hanap ko’y pagmamahal
Pagmamahal mula sa tao
Taong walang pag-aalinlangan
Pag-aalinlangang mahalin ako

Ako ay napaibig
Napaibig ng lubos
Lubos na para lamang sa iyo
Iyo din ba’y totoo?

Totoong nasira
Nasira lamang ng tukso
Tuksong nakaguho
Nakaguho sa mga ginawa ko

Ginawa ko ang lahat
Lahat na para sa iyo
Sa iyo ko lang inalay
Inalay na sinira mo

Sinira mo man ang lahat
Lahat ay biglang naglaho
Naglaho nang ika’y nagsumamo’t nangako
Nangakong hindi na uulit

Uulit ma’y akin nang isumpa
Isumpang ligaya mo’y mawawala
Mawawala’t matitira lamang ay hirap

Hirap mang ulitin
Uliting patawarin
Patawarin sa kasalanang
Kasalanang inilihim

Inilihim mo ang lahat
Lahat din ay pinatawad
Pinatawad dahil ika’y aking mahal
Mahal, martir na pagmamahal