Lunes, Setyembre 26, 2011

Paglalayag sa Puso ng Isang Bata ni Genoveva Edroza-Matute


Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan… nguni't ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya'y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya'y mananatiling isang batang lalaking may-kaliitan, may kaitiman, at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daaang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila'y nagdumali, ang ila'y nagmabagal at ang ila'y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan. Nguni't ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin isang araw nang siya ang aking maging guro at ako ang kanyang tinuturuan.

Isa siya sa pinakamaliit sa klase. At isa rin siya sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tignan lamang iyo'y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang "punto" na nagpapakilalalng siya'y taga ibang pook.

Ngunit may isang bagay na kaibig-ibig sa munti't pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit na hindi siya hilingan ng gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinagmamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng bawat hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawat isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng "Goodbye, Teacher!"

Sa Simula, pinagtakhan ko ang kanyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa - umiiwas sa iba. Maminsan-minsa'y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang ang kanyang paningin. Haba ko siyang tinatanaw tuwing hapon, pinakahuli sa kanyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kanyang kapangitan, ang katutuwang paraan ng kanyang pagsasalita.

Unti-unti kong napagdugtong-dugtong ang mga katotohanna tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya'y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang ank ng kanyang panginoon.

Nadama ko ang kakaibang kalungkutan: Nais kong makita siyang nakikipaghabulan sa mga kapwa-bata, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal, napapasuot sa kaguluhang bahagi ng buhay ng bawat bata. Kahit na hindi siya marunong, maging kanya lamang sana ang halakhak at kaligayahan ng buhay-bata.

Tinawag ko siya nang madalas sa klase. Pinagawa ko siya ng marami't mumunting bagay para sa akin. Pinakuha ko sa kanya ang mga tsinelas ko sa pinakahuling upuan sa silid. Naging ugali niya ang pagkuha sa mga iyon, ang paghihiwalay sa mga iyon upang itapat sa aking paa. Ang pagbili ng aking minindal sa katapat na tindahan, hanggang sa hindi ko na kailangang sabihin sa kanya kung ano ang bibilhin - alam na niya kung alin ang ibig ko, kung alin ang hindi ko totoong ibig.

Isang tahimik na pakikipagkaibigan ang nag-ugnay sa munti't pangit na batang ito at sa akin. Sa tuwi akong mangangailangan ng ano man, naroon na siya agad. Sa tuwing may mga bagay na gagawin, naroon na siya upang gumawa. At unti-unti kong nadamang siya'y lumiligaya - sa paggawa ng maliliit na bagay para sa akin, sa pagkaalam na may pagmamalasakit ako sa kanya at may pagtingin sa kanya. Nahuhuli ko na siyang nagpapadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan hanggang sa magkanghihiga sa likuran ng silid. Nakikita ko na siyang nakikipaghabulan, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal. Nagkakandirit hanggang sa tindahang bilihan ng aking minindal. At minsan o makalawa ko siyang nahuling nagpapalipat-lipat sa pagtapak sa mga upuan.

At kung ang lahat ay wala na, kinakausap ko siya at sumasagot siya nang pagaril sa Tagalog. At sa mga ganoong pagkakatao'y nagmumukha siyang maligaya at ang kanyang, "Goodbye, Teacher," sa may-pintuan ay tumataginting. Sa mga ganoong pagkakatao'y naiiwan sa akin ang katiyakang siya'y hindi na totoong napag-iisa at hindi na totoong nalulumbay.

Isang mabagal na paraan ang pag-akit na iyon sa kanya at ang pagtiyak na siya'y mahalaga at sa kanya'y may nagmamahal.

Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa't bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Sa paglingon ko sa mga taong nagdaa'y naamin ko sa sariling ang lahat ng iyo'y aking kasalanan. Mainit noon ang aking ulo, umagang-umaga pa. At ang hindi ko dapat gawin ay aking gingawa - napatangay ako sa bugso ng damdamin. Hindi ko na magunita ngayon kung ano ang ginawa ng batang iyon na aking ikinagalit. Ang nagugunita ko lamang ngayon ay ang matindi kong galit sa kanya, ang pagsasalita ko sa kanyang ipinanaliit niya sa kanyang upuan. Nalimutan ko ang kanyang pag-iisa, ang kanyang kalumbayan, ang mabagal na paraan ng pag-akit at pagtiyak sa kanyang siya'y mahalaga at minamahal.

Nang hapong iyo'y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Ngunit siya'y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang bilhin ang aking minidal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglilinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawat hanay, gaya ng kanyang kinamihasnan. Ngunit hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso'y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisat kawalan ng pagmamahal ay makaaalam din sa kawalan ng katarungan. Ngayo'y paalis na siya, ang naisip ko, nang may kapaitan sa puso.

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kanyang loob.

Nagtungo siya sa pintuan at ang kanyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, "Goodbye, Teacher." Lumabas siya nang tahimik at ang kanyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito'y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.

Bukas…. Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata'y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipagsalubungan sa aki'y may nagugulumihanang tingin. "Goodbye, Teacher," ang sabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya.

Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo, ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita'y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro. 

Kinalap ni Jessa Faith Togonon

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento